DUNGIS SA DAGAT

DUNGIS SA DAGAT

March 17, 2023 @ 8:20 AM 2 weeks ago


MAHIGIT 800,000 litro ng industrial oil ang tumagas sa dagat.  Apektado ang labing-isang munisipyo sa baybaying bahagi ng isla ng Mindoro.  Lampas 31,000 pamilya ang apektado, kasami na ang halos 14,000 na mga magsasaka at mangingisda.

Nakagigimbal na trahedya ang paglubog ng MT Empress Princess sa Mindoro.  Daan-daang hektarya ng mga marine protected areas  at mga bakawan ang malalason o masisira dahil sa kontamisyon ng langis. Wika nga ng ilan kong kaibigan sa Mindoro, tatlong dekada na nilabanan nila ang pagmimina sa isla ng Mindoro para alagaan ang kanilang likas-yaman,’yun pala, ganitong trahedya sa dagat ang sisira sa kanilang kalikasan.

Mabuti na lang at mabilis na kumikilos at tumutugon ang mga lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Gov. Bonz Dolor ng Oriental Mindoro at ni Mayor Jennifer Cruz ng bayan ng Pola.  Pero mahigit isang linggo pagkatapos ng trahedya, turuan at sisihan ang nakita natin mula sa mga lider sa nasyunal lebel.

Salamat at nag-imbestiga ang Senado sa resolusyon inihain ni Sen. Risa Hontiveros.  Doon nalaman na wala palang Certificate of Public Convenience  ang MT Empress.   Pero ilang oras lang, naglabas naman litrato sa Facebook ang Philippine Coast Guard na meron CPC na ibinigay ang mga tripolante ng MT Empress, kaya pinayagan itong mag-layag.

Meron nagsisinungaling.   Kaya kailangan pa ng mas malalimang imbestigasyon para maitakda nga kung sino ang may pananagutan sa trahedyang ito.

‘Ika nga ng ilan, bad trip naman ang oil spill na ito, panira ng summer vacation sa mga beach ng Oriental Mindoro at ilang karatig na isla. Apektado na naman ang kabuhayan ng mga lokal nating mga kababayan doon.

Kaya nakita na natin ang mga tulong na ipinaabot ng ilang ahensya.   Mga ayuda mula sa Department of Social Welfafe and Development at Department of Labor and Employment, medical assistance mula sa Department of Health at pati nga tulong mula sa mga eksperto sa Japan ay dumating din.   Pero mukhang kulang at hiwa-hiwalay pa ang mga tugon na ito.

Dapat magbuo na ng isang inter-agency task force na merong malinaw na mandato at tukoy na lider para mas mapabilis at maiwasto ang pagtugon sa oil spill.

Kapag hindi agad naagapan ang pagkalat ng oil spill sa Verde Island Passage, hanggang Palawan at Boracay, mas malaking problema ito sa turismo, pangisdaan, trabaho at kalusugan ng mas maraming Pilipino ang haharapin natin.

Wag naman sanang lumala pa ang dungis sa ating karagatan.