Duque handa na sa pandemic fund charges

Duque handa na sa pandemic fund charges

June 9, 2022 @ 7:42 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni outgoing Health Secretary Francisco Duque III na isang skilled legal team ang magtatanggol sa kanya kung siya ay kakasuhan sa pagbili ng COVID-19 supplies mula sa Pharmally Pharmaceuticals Corporation kapag natapos na ang kanyang termino.

Nauna nang pinayuhan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang kalihim na kumuha ng karampatang abogado. Inakusahan ng mambabatas ang kalihim na may kinalaman sa maling pangangasiwa ng pandemic funds nang aprubahan niya ang paglipat ng P42 bilyong COVID-19 response funds ng DOH sa Department of Budget and Management (DBM).

Iginawad ng Procurement Service ng DBM ang ₱8.6 bilyon na supply deal sa Pharmally noong Abril 2020, noong anim na buwan pa lang ang kumpanya at may kapital na mahigit ₱600,000 lamang, ayon sa imbestigasyon ng Senado.

Paulit-ulit namang ipinaliwanag ni Duque na inaprubahan ang paglipat upang napabilis ang pagbili ng agarang kinakailangang suplay sa panahon ng
public health emergency.

Kumpiyansa si Duque na patuloy na nasa likod niya ang Pangulong Rodrigo Duterte tulad nang isantabi Ng punong ehekutibo ang panawagan ng Senado sa pagpapatalsik sa kanya.

“The president has always stood by me and always has his full trust and confidence in me and this is for good reason because alam nya [he knows my] track record,” sinabi ni Duque sa Kapihan sa Manila Bay forum.

Samantala, sinabi rin ng kalihim na may naghihintay na trabaho sa kanya sa sandaling matapos na ang kanyang termino bilang health secretary sa June 30.

Babalik aniya ang pamamahala sa unibersidad na pag-aari ng kanyang pamilya sa Dagupan City. Tututukan niya ang pagtuturo at pag-internasyonal sa Lyceum Northwestern University. Jocelyn Tabangcura-Domenden