Duque kay PAO chief Acosta: Magpabakuna na

Duque kay PAO chief Acosta: Magpabakuna na

January 21, 2022 @ 7:47 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Pinakiusapan ni Health Secretary Francisco Duque III si Public Attorney’s Office chief Persida Acosta na agad nang magpabakuna laban sa COVID-19.

Sinabi ni Duque, na dapat agad ding magpabakuna si Acosta dahil sa kanyang edad at comorbidities.

“Ako’y nananawagan kay PAO Chief Acosta na, dahil palagay ko ay malapit na din siyang maging senior citizen, ay dapat ay mabigyan siya ng karagdagang proteksyon sa pamamagitan ng bakuna,” ani Duque.

“Para sa akin, dapat siguro mas maging bukas ang pagiisip ni PAO Chief Acosta na suportahan niya ang bakuna.”

Mataandaang noong nakaraang linggo, inamin ni Acosta, isa sa prominenteng indibdiwal sa Dengvaxia issue, na hindi pa siya bakunado kontra COVID-19 dahil hinihintay niya pa ang protein-based na bersyon ng bakuna..

Dahil dito, ipinanawagan naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Department of Justice at sa gobyerno na huwag munang pagtrabahuin si Acosta dahil sampal siya sa mukha ng gobyerno na itinutulak ang pagbabakuna sa mga Pilipino.

Hindi naman sumang-ayon dito si Duque habang tumugon na rin si Justice chief Menardo Guevarra.

Anang secretary of Justice na dapat ang mga on site workers ay bakunado, pero kung hindi ay sila ang sasagot ng RT-PCR test na dapat isagawa kada dalawang linggo, na nakabase sa protocol ng bansa.

“I already advised PAO chief Acosta to comply with existing government regulations regarding onsite work as it relates to unvaccinated personnel, and to ensure a COVID-safe working environment in her agency without sacrificing efficiency,” ani Guevarra.

Matatandaang naging kontrobersyal si Acosta at ang PAO noong 2018 sa pag-usig ukol sa umano’y masamang apekto ng Dengvaxia, bakuna iwas dengue, na sinasabing ikinasawi ng ilang mga nabakunahang kabataan.

Nauna nang kinastigo ni Acosta ang ilang mga dati at kasalukuyang government officials, kabilang si Duque, sa insidente.

Pero nauna na ring itinanggi ng DOH ang pangyayari at sinabing walang solidong patunay na nag-uugnay sa pagkamatay sa Dengvaxia. RNT