Duque: Metro Manila ‘hinog’ na sa Alert Level 1

Duque: Metro Manila ‘hinog’ na sa Alert Level 1

February 24, 2022 @ 5:34 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III, Huwebes, na hinog na ang National Capital Region (NCR) para sa pagbaba sa Alert Level 1 dahil naabot na nito ang mga metrikong kinakailangan.

Nakatakdang desisyunan ngayong araw ng Inter Agency Task Force (IATF) ang bagong ikakasang alert level sa NCR at iba pang mga lugar.

Ang alert level 1 ang pinakamababa at pinakamaluwag na alert level sa bansa kung saan nangangahulugan din ito ng ‘new normal’ na estado.

Nauna nang inirekomenda ng Metro Manila mayors na ibaba ang NCR sa Alert Level 1.

“Kung ako ay tatanungin, hindi naman nangangahulugan na ‘yung sasabihin ko ay ‘yan ang position ng collective IATF, sila naman ang NCR ay pasado na sa kanilang mga metrics. Hinog, in other words,” ani Duque sa Laging Handa briefing.

Iginiit din ni Duque na naabot sa NCR ang 83% bakunadong mga senior citizen habang higit sa 100%na ng target population  ng capital region ang fully vaccinated na rin laban sa COVID-19. RNT