Duque sa Marcos admin: Face mask mandate ituloy

Duque sa Marcos admin: Face mask mandate ituloy

June 4, 2022 @ 10:45 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Iminumingkahi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa incoming Marcos administration na huwag alisin at ipagpatuloy ang pagsusuot ng face mask kahit pa bumaba ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa panayam, sinabi ng kalihim na maliban sa pagbabakuna sa 70 milyon laban sa virus, ipasa umano sa bagong administrasyon ang malawakang pagsunod sa pagsusuot ng face mask.

Binanggit ang John Hopkins University, sinabi ni Duque  na ang masking mandate compliance ay 91 hanggang 96 porsyento.

“Huwag natin tanggalin Ito muna. Premature eh,” sabi ng kalihim.

Paliwanag ni Duque, ito ay dahil nag-full capacity na ang mga transport sector at establishments.

Binigyan-diin din nito na sa kabila ng iba’t ibang super spreader events sa panahon ng kampanya at paglitaw ng Omicron subvariants, hindi sumirit ang bilang ng arawang kaso.

Umaasa ang kalihim na lalo pang bumaba ang kaso dahil ang minimum public health standards ay napakamataas.

Umaasa rin ito na ang susunod na Pangulo ay ipagpatuloy ang face mask mandate.

Nakapagtala ang Pilipinas ng 225 bagong impeksyon sa 3,691,114 sa buong bansa, ayon sa datos na inilabas  ng DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden