Duque: Wala pang ‘absolute protection’ sa 23 syudad na may herd immunity

Duque: Wala pang ‘absolute protection’ sa 23 syudad na may herd immunity

December 10, 2021 @ 8:36 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Kahit nakamit na ng 23 syudad sa Pilipinas ang herd immunity sa pamamagitan ng pagbabakuna sa higit 70% ng populasyon ng mga ito, ay hindi pa nakakamit ang “absolute protection” laban sa COVID-19.

Sinabi ito ni Health Secretary Francisco Duque III kasabay ng pagbabala na huwag makampante kahit pa lumalabas ang mga ulat ng herd immunity.

“In terms of absolute protection, hindi pa rin kasi may mga lugar na mapapasukan pa rin sila from other areas na mababa ang vaccination coverage. So ibig sabihin pwede pa rin sila mahawaan,” ani Duque.

“Kasi syempre may kwan, nagbya-byahe ang mga tao, diba? Hindi naman sila parang naka limitado lang sa kanilang mga lugar, kundi nagbyabyahe sila,” dagdag pa niya.

Matatandaang inianunsyo kamakailan ng Department of the Interior and Local Government ang mga syudad sa bansa na may herd immunity na tulad ng:

  • San Juan City

  • Mandaluyong City

  • Pateros

  • Marikina City

  • Taguig City

  • Pasay City

  • Las Piñas City

  • Parañaque City

  • Manila City

  • Muntinlupa City

  • Makati City

  • Valenzuela City

  • Quezon City

  • Navotas City

  • Pasig City

  • Malabon City

  • Caloocan City

  • Outside NCR

  • Baguio City

  • Angeles City

  • Iloilo City

  • Lapu-Lapu City

  • Mandaue City

  • Davao City

Sa paalala naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire hindi pa rin masasabing sapat na ang immunity ng bansa hanggat hindi nakakamit ng lahat ng rehiyon ang parehong vaccination rates.

“‘Yung herd immunity kasi kapag sinabi mo ‘yun ay ‘yung bakuna hindi naman siya 100% makakaiwas sa hawaan… Pero ang mas importante makapagpigil ng hawaan ay yung public minimum health standard,” ayon pa sa DOH Chief.

“So dalawa, ang solusyon, dalawa. Vaccination and MPHS (minimum public health standard). Hindi pwedeng bakuna lang,” giit pa niya.

“‘Yun naman ang ating pinupuntirya. Ang pakay natin is to reach about mga 80% to 90% of our population which is about 88 to 98 million Filipinos by the second quarter of next year,” dagdag pa ni Duque. RNT