Durugista arestado sa P442K shabu sa Caloocan

Durugista arestado sa P442K shabu sa Caloocan

February 27, 2023 @ 5:17 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kulungan ang bagsak ng isang lalaki na listed bilang high value individual (HVI) matapos mabisto ang dalang mahigit P.4 milyon halaga ng shabu makaraang takbuhan ang mga sumitang pulis dahil sa paglabag sa city ordinance sa Caloocan City.

Pinuri ni Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr ang Caloocan City Police sa pamumuno ni P/Col. Ruben Lacuesta sa pagkakaaresto sa suspek na kinilala bilang si Brandon Buenaventura, 47, (HVI) ng No. 15 Sampaguita St, Appleville, Brgy 162.

Nakumpiska sa suspek ang 13 pirasong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng humigi’t kumulang 65 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price value P442,000.

Ayon kay Col. Lacuesta, nagsasagawa ng mobile patrol sa Appleville, Brgy. 162 dakong alas-2:00 ng hapon ang mga tauhan ng Sta Quiteria Police Sub-Station 6 nang mapansin nila ang suspek na naninigarilyo sa pampublikong lugar na malinaw na paglabag sa ordinansa ng lungsod.

Nang lapitan siya ng mga pulis at hiningan ng Identification Card para isyuhan ng ordinance violation reiceipt (OVR) ay itinulak umano sila ng suspek at tumakbo upang tumakas kaya hinabol siya nina PSSg Carlo Dizon, PSSg Pepito Vallarta at PCpl Roger Lagarto hanggang sa makorner.

Habang inaaresto ang suspek, dumating ang kanyang kapatid na si Jonathan Buenaventura, 44, call center agent at tinangka umanong pigilan ang mga pulis sa pag-aresto sa kanyang kapatid na naging dahilan upang posasan din siya ng mga parak dahil sa Obstruction of Justice.

Mahaharap si Brandon sa kasong paglabag sa Article 151 of RPC (Disobedience to a Person in Authority or his Agent), R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at City Ordinance (Smoking in Public) habang Obstruction of Justice naman ang kakaharapin ng kanyang kapatid. R.A Marquez