‘Durugista’ sa BARMM timbog

‘Durugista’ sa BARMM timbog

February 16, 2022 @ 5:20 PM 5 months ago


LANAO DEL SUR- Arestado ang isang drug dealer sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region (PDEA-BAR), sa lalawigan ito.

Kinilala ang nadakip na si Samsodin Ara, 52 anyos, may asawa at residente sa Barangay Fabrica Marogong Lanao Del Sur habang tugis naman ang kasama nitong si Maganor Montañer.

Ayon sa PDEA-BAR, nagsagawa sila ng buy bust operation laban sa mga suspek sa Barangay Macao Balabagan Lanao Del Sur katuwang ang mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team 2, 2nd Police Mobile Force Company at Balabagan MPS.

Isa sa mga ahente ang nagpanggap na bibili ng droga sa suspek at saktong pag-abot ng pakete ay agad itong pinosasan ng mga operatiba subalit mabilis na nakatakas si Montañer.

Nakuha mula kay Ara ang 100 gramo na shabu na nagkakahalaga ng P680,000.00 drug market value, buy bust money, Suzuki multicab at dalawang M14 rifles.

Sinabi ng mga awtoridad na si Ara ay kilalang drug dealer sa naturang bayan at iba pang karatig na lugar.

Nakakulong ngayon sa custodial facility ng Balabagan MPS ang suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms and ammunition Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa Comelec Gun ban./Mary Anne Sapico