Durugistang drayber nang-trip mang-araro ng sasakyan!

Durugistang drayber nang-trip mang-araro ng sasakyan!

May 21, 2022 @ 4:24 PM 1 month ago


BULACAN – Arestado ng mga awtoridad ang 25-anyos na lalaking driver na umano’y wala sa katinuang nanagasa ng mga sasakyan sa bayan ng Balagtas, Bulakan.

Kinilala ni Bulacan Police Acting director PCOL Charlie Cabradilla ang suspek na si Jomar Idago,residente ng Pasong Bangkal, San Ildefonso.

Sa report,pinagsamang puwersa ng Balagtas at 1st PMFC ang tumugis sa suspek hapon ng Biyernes,Mayo 20 mula Mac Arthur highway harap ng Balagtas Public market hanggang Brgy.Balubad, Bulakan.

Nalamang si Idago na lulan ng platinum graphite Kia Rio ay tinugis ng mga awtoridad matapos itimbre ng ilang traffic enforcer na nakabangga ito ng mga sasakyan at motorsiklo sa lugar.

Bago nasukol ang suspek ay humarurot  pa ito sa ilang barangay sa bayan ng Guiguinto hanggang bumangga sa bakuran ng bakanteng lote sa Brgy.Balubad,Bulakan.

Naging maingat naman ang mga awtoridad sa paghuli  dahil sa posibleng may armas ang suspek na hindi agad bumaba ng kotse subalit sumuko rin kalauanan.

Narekober sa operasyon ang limang sachet na pinaghihinalaang shabu,mga paraphernalia,dalawang cellphone,bala,improvised na armas na kadalasan gamit pang-riot at ang sasakyang ng suspek na nasa kustodiya ng Balagtas police.

Sinasabing ang suspek ay nahaharap sa patong-patong na kaso mula sa naglulutangan na biktima nito.

Sinabi naman ni Police Regional Director PBGEN Matthew Baccay na nanatiling alerto ang Bulacan PNP para sugpuin ang mga kriminal at ilang indibiduwal na maghahasik ng takot at pinsala sa komunidad. Dick Mirasol III