DUTERTE ADMIN PURSIGIDO SA LABAN VS PANDEMYA

DUTERTE ADMIN PURSIGIDO SA LABAN VS PANDEMYA

February 18, 2022 @ 2:41 PM 4 months ago


WALANG makapipigil sa Duterte administration na piliting tapusin ang pahirap na pandemya sa bansa kahit pa sa nalalabing kulang limang buwan na natitirang panahon nito sa termino.

Ayon nga kay Senate Committee on Health Chairman Senator Christopher ‘Bong’ Go, desidido si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa pandemya na ngayon ay napatutunayan nating tunay na epektibo.

Kasama na sa mga hakbang na ito ang pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19 na naging malaking parte upang ang pagkalat ng Omicron variant noong nakaraang Enero ay hindi maging katulad ng hagupit ng Delta variant sa Pilipinas.

Kaya naman patuloy ang panawagan ni Sen. Go sa mga kwalipikadong indibidwal na hangga’t maaari ay magpabakuna na upang bigyang proteksyon ang kanilang sarili mula sa pagkakaroon ng malalang sintomas ng COVID-19.

Hinikayat rin ni Sen. Go ang mga lokal na pamahalaan na mas palawigin pa ang vaccination drive partikular na ang pagsasagawa ng house-to-house vaccination upang mapuntahan ang mga may kapansanan o karamdamang nagiging hadlang upang makapunta sila sa vaccination sites.

Unti-unting nararamdaman na nating tila patapos na nga ang pananalasa ng pandemya sa bansa at nalalapit na ang panahong makababalik na tayo sa ating normal na pamumuhay.

Mabuti na lamang na sa kabila ng kaliwa’t kanang pambabatikos sa Duterte administration, naging maigting ang dedikasyon nitong patuloy na gumawa ng paraan upang labanan ang pandemya. Malaking benepisyo ang tinatamasa ngayon ng publiko dahil hindi bumitaw sa laban na ito ang ating pamahalaan.

Parte na ng ating kasaysayan ngayon na sa pamumuno ni Pangulong Duterte napagtagumpayan ng Pilipinas ang digmaang nakaapekto sa maraming bansa na magpahanggang ngayon ay marami pa rin ang paulit-ulit na sinasalanta.

Nakagugulat pa nga na kahit may pandemya, maraming proyekto pa rin ang natapos ng Duterte administration… paano na lamang kaya kung hindi dumating ang COVID-19?