Duterte ‘di hihingi ng tawad sa drug war deaths

Duterte ‘di hihingi ng tawad sa drug war deaths

January 5, 2022 @ 10:11 AM 7 months ago


Manila, Philippines – Walang balak si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na humingi ng paumanhin sa pagkamatay ng suspected drug users at dealers na napatay sa police operations sa ilalim ng war on drugs na ikinaalarma ng rights groups.

Mahigit sa 6,200 drug suspects ang namatay sa anti-narcotics sting operations simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte noong Hunyo 2016 hanggang Nobyembre 2021, ang makikita sa data ng gobyerno.

“I will never, never apologize for the deaths. Kill me, jail me, I will never apologize,” ani Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, Martes ng gabi.

Para sa mga rights groups at mga kritiko, nagsagawa ang law enforcers ng summarily executed sa mga drug suspects, subalit pinalagan naman ito ng mga pulis sabay sabing ang mga napatay ay armado at marahas na nilabanan ang mga awtoridad para hindi maaresto.

Matatandaang, nangako si Pangulong Duterte, sa kanyang kauna-unahang address ngayong taon na po-protektahan ang mga tagapagpatupad ng batas na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin, sinabihan ang mga ito na lumaban kapag nalagay sa panganib.

Si Pangulong Duterte, 76, nanalo sa pagka-pangulo “by a wide margin” noong 2016 dahil sa plataporma ng anti-corruption at law and order.

Samantala, buwan ng Setyembre nang aprubahan ng mga judges ng International Criminal Court (ICC) ang pormal na imbestigasyon sa war on drugs ni Pangulong Duterte.

Sinuspinde naman ng ICC ang imbestigasyon noong Nobyembre kasunod ng naging kahilingan ng Pilipinas, nagpahayag na nagsasagawa rin ng sarili nitong imbestigasyon. Kris Jose