Duterte ‘di target ng ICC drug probe – SOJ

Duterte ‘di target ng ICC drug probe – SOJ

June 16, 2022 @ 7:42 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi kailanman naging target ng pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC) si Pangulong Rodrigo Duterte sa drug war ng administrasyon.

“Hindi naman naka-zero in kay presidente ‘yun,” ani Guevarra sa isang press briefing. “Hindi naman ang presidente mismo ang tina-target ng ICC.”

“It’s really yung alleged crime against humanity that was manifested in the campaign against illegal drugs,” dagdag pa ng Secretary of Justice.

Binanggit niya na inaalam pa ng ICC kung sino ang dapat kasuhan.

“Ngayon kung makikita nila na at least mayroong prima facie case na mayroong crime against humanity in the form of the violent drug campaign, pero hindi pa nila ide-determine kung sinong persons ang responsible for that,” dagdag ni Guevarra.

Sinabi ng ICC noong 2020 na nagkaroon ng basehan na ang mga krimen laban sa human rights ay ginawa sa panahon ng madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.

Gayunpaman, nanindigan ang Malacañang na hindi ito makikipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.

Sinabi ni Guevarra na napansin ng Department of Justice ang mga pang-aabuso sa pagpapatupad ng anti-illegal drugs campaign, na binanggit ang ulat ng panel nito na nagrepaso sa mga pagpatay sa war on drugs.

“The NBI [National Bureau of Investigation] has in fact lodged at least five complaints with the Department of Justice against many police officers involved in these operations na may unnecessary deaths na nangyari,” aniya pa.

“So we are doing this, hindi naman to disregard ‘yan, that’s what we are telling the ICC that domestic mechanism are functioning,” giit pa niya.

Pansamantalang sinuspinde ng ICC noong nakaraang taon ang pagsisiyasat nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte kasunod ng kahilingan mula sa gobyerno ng Pilipinas. Ngunit sinabi ng prosekusyon na magpapatuloy ang pagsusuri sa mga impormasyong nakolekta na. RNT