DUTERTE-DUTERTE, PATOK KAYA? 

DUTERTE-DUTERTE, PATOK KAYA? 

July 9, 2021 @ 6:15 PM 1 year ago


SERYOSONG pinag-iisipan ni Pangulong Duterte ang pagtakbo bilang Bise-Presidente sa 2022 batay na rin sa rekomendasyon ng Partido nitong PDP-Laban.

Bagaman hindi natin maarok ang kaisipan ng Pangulo, ang resulta ng katatapos pa lang na pagpupulong ng partidong pinangungunahan ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi ang lumulutang na nag-udyok dito upang kagatin ang posisyon na ‘yang ayon sa usap-usapan ay hindi makatutulong sa kandidatura ni Davao City Mayor Inday Sara bilang manok ng administrasyon.

Sabihin mang nangunguna pa rin sa survey ang anak ni Pangulong Duterte bilang papalit sa kanyang trono ngunit ayon sa ilang political analyst, hindi papatusin ng sambayanan ang mag-amang Duterte bunsod sa hayagang dinastiya ito sa paghawak ng renda ng Malakanyang kahit pa maraming nagawang pagbabago ang kasalukuyang administrasyon.

Oo nga’t usong-uso ngayon ang mag-ama o kaya naman mag-asawang tandem sa mga lokal na posisyon. Ngunit matatanggap kaya ng taumbayang sa kauna-unahang pagkakataon ay magkaroon tayo ng mag-amang Pangulo at Bise sa bansa?

Hindi kaya maisasantabi ang balansyadong kapangyarihan ng dalawang itinuturing na pinakamataas na posisyon sa gobyerno?

Maging sa usapin ng pampulitikang makinarya ay hindi positibo ang kalalabasan ng mag-amang tubong Mindanao sa kabila ng kanilang napatunayan nang angking kakayahang mamuno sa pamahalaan.
Ito’y dahil walang mapagkakatiwalaang mag-iikot ng bandera ng malawakang kampanya nito sa Luzon at Visayas bagama’t may mga lider din naman sila sa mga lugar na ito.

Ibig sabihin, ‘andyan naman ang Duterte-Moreno tandem na hahakot ng boto mula sa Luzon dahil sa inilunsad na programa ni Mayor Isko na naisaayos ang dating magulong Kamaynilaan.

Kahit ipangalandakan pa ni Eastern Samar Governor Ben Evardone na karamihan sa mga lokal na opisyal ay suportado raw ang pagtakbo ni Pang. Duterte bilang Bise ngunit walang kasiguruhang ito nga ang pulso ng mga switik na Gobernador at Mayor na nanonood lang sa mga kaganapan ngayon sa pulitika sa nasyunal at anumang oras ay handang tumalon sa kabilang barko sakaling nagpapahiwatig na malulunod na ang kasalukuyang sinasakyan nito.

At higit sa lahat, hindi maisasantabi ang saloobin ng ilang kababayang mulat sa ilang isyu ngayon sa gobyernong hindi nabigyan ng sapat na solusyon, kabilang na ang korapsyon, kahirapan, pandemya at WPS na pinaniniwalaang hindi pa rin umano matutugunan sakaling mangyari nga ang monopoly of power sa Malakanyang.