Duterte kay Sara: Anti-drug campaign ituloy sa mga eskuwelahan

Duterte kay Sara: Anti-drug campaign ituloy sa mga eskuwelahan

June 13, 2022 @ 7:45 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinikayat ni outgoing President Rodrigo  Duterte ang kanyang anak na si Vice President-elect “Inday” Sara Duterte na tiyakin na magpapatuloy ang anti-illegal drugs program sa mga eskuwelahan.

Ito’y matapos na ianunsyo ni Sara na tinanggap na niya ang alok na maging Kalihim ng Department of Education sa ilalim ni incoming administration of President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“But this time, kung wala na ako, sabihin ko na lang kay Inday , ‘Take over. Ikaw na ang… Kunin mo ‘yang trabahong… ,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang naging talumpati matapos saksihan ang pagpapababa sa Tunnel Boring Machine (TBM) ng Metro Manila Subway Project sa Valenzuela City.

Nauna rito, sinabi ni Sara na nais niyang paghusayin ang kapakanan at kalidad ng edukasyon sa bansa sa kanyang ‘six-year term.’

Ang paliwanag ni Pangulong Duterte, ang mga kabataan ang “most vulnerable” at “most affected” sa paggamit ng iligal na droga.

“Biro mo ‘yang Department of Education, maraming bata diyan. Do not ever allow contamination diyan sa ano.. . If you have to do it, do it,” anang Pangulo.

Sinabi ng Chief Executive na ikinasa niya ang agresibong paglunsad sa ilegal na droga dahil “nobody would do it for us.”

Muli namang nagbabala si Pangulong Duterte sa panganib sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot, sabay sabing sinisira nito ang bansa at dahilan ng pagkawask ng pamilya.

“Ang masakit sa akin isa pa, pagka tinamaan ‘yung mga bata , there will be a family dysfunction and there are plenty. So mag-away ‘yan pati mga bata. Wala na , bewildered and wandering in the woods of civilization,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Samantala, umapela naman si Pangulong Duterte sa mga pulis at sundalo na panatilihin ang momentum ng ginagawang paglaban ng gobyerno sa ilegal na droga.

“I would like to appeal to everybody that drugs, especially the military and the police and the Coast Guard who are here, never give up the fight against drugs. Drugs will kill the Philippines,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Nangako rin ito na ipagpapatuloy ang laban kontra ilegal na gamot bilang sibilyan at protektahan ang mga law enforcement officers na nahaharap sa asunto dahil sa pagpatay sa mga drugs suspects sa ilalim ng self-defense.

“As long as it is done in the performance of your duty and you run afoul or may namatay at maingay, ako sabihin ko I am the one who will assume the full accountability and all,” aniya pa rin. Kris Jose