Manila, Philippines – Inihayag ni Duterte na nakahanda siyang bumaba sa poder kung may magpapatunay sa kanya totoo o nag-e-exist ang Diyos ng mga Kristiyano.
Ayon sa Pangulo, isang tao lamang ang kailangan niya na magsabing nagpunta siya sa langit at nakausap si God.
“Kailangan ko isa lang sabihin niya ‘mayor utos kasi ng mga ugok diyan sa Simbahan na pumunta akong langit, kausapin ko ang Diyos, meron talaga po. Ito po may picture kami nagdala ako ng selfie,'” sabi ni Duterte kahapon sa kanyang pagtatalumpati sa National Science and Technology Week celebration in Mindanao sa Davao City.
“You do that today, one single witness, that there is a guy, a human being was able to talk and to see God. Of the so many billions na dumaan, I just need one. And if there is one, ladies and gentlemen, I will announce my resignation immediately,” ang dagdag ng Pangulo.
Bagama’t isinilang at lumaking Katoliko, muling inupakan ni Duterte ang konseptong may “original sin”. Muli niyang iginiit na naniniwala siya sa universal being.
Inakusahan din niya ang Simbahan na ginagamit ang donasyon ng mga parokyano para makapagpatayo ng mga palasyo.
Ibinulalas ni Duterte ang mga pahayag, ilang araw bago ang nakatakda niyang pakikipag-usap kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president Davao Archbishop Romulo Valles sa Hulyo 9.
Makikipagpulong din umano ang Pangulo sa mga kinatawan ng Philippine Council of Evangelical Churches.
Tangka ng gobyerno na muling mabuo ang magandang ugnayan nito sa Simbahan at iba pang Christian groups na nasaktan sa mga pahayag ng Pangulo laban sa Diyos at Kristyanismo. (Nats Taboy)