Duterte nakapaghain ng 60 panukalang batas sa loob ng 100 araw

Duterte nakapaghain ng 60 panukalang batas sa loob ng 100 araw

October 13, 2022 @ 12:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nasa 60 panukalang batas ang kabuuang naihain ni Davao Representative Paolo Duterte sa unang 100 araw nito sa Kamara.

Sa isang statement sinabi ni Duterte na nasa 30,000 mangingisda, public utility drivers at mga mahihirap ang nakinabang ng mga iba’t ibang proyekto at programa na kanyang inimplementa sa unang 3 buwan ng 19th Congress.

Simula Hulyo hanggang Setyembre 2022 ay nasa 60 panukalang batas din ang nagawa nito na pawang nakatuon sa pagpapabuti ng estado ng mga guro, biktima ng kalamidad, mga magsasaka at mangingisda gayundin ang mga freelance workers.

Pinangunahan din ng solon ang pagbibigay tulong sa mga mangingisda, vendors at drivers sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/Displaced Worker (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“We had carefully profiled the TUPAD applicants to ensure that only those who deserve them are granted the benefits of the program. We are continuing to screen thousands of other applicants, especially those severely affected by the economic shock from the pandemic, to assist the DOLE in effectively implementing TUPAD in Davao City,” pahayag ni Duterte.

Ang TUPAD ay isang community-based package ng pamahalaan na nagbibigay ng emergency employment sa mga nawalan ng trabaho sa loob ng 10 hanggang 30 araw.

Bukod dito ay nabigyan din ng scholarships at educational assistance ang may 802 estudyante at 207 indibidwal sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sinabi ni Duterte na ilan pang mahahalagang panukala ang nakatakda nitong ihain na naglalayong mapagbuti ang sitwasyon hindi lamang ng mga residente ng Davao City kundi ng mas nakararaming Pinoy.

Umaasa ito na susuportahan ng kanyang kapwa mambabatas ang mga panukala na nakatuon para sa mga magsasaka at mga guro. Gail Mendoza