DUTERTE PWEDENG VP; EEZ BANTAY-SARADO NG PCG

DUTERTE PWEDENG VP; EEZ BANTAY-SARADO NG PCG

July 7, 2021 @ 2:26 PM 1 year ago


MISMONG Integrated Bar of the Philippines na ang nagsabi na maaaring tumakbo bilang Vice President si Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa 1987 Constitution.

Nakasaad kasi sa Constitution na maaaring tumakbo sa mas mababang posisyon ang  Presidente matapos ang termino nito sa pagka-Pangulo.

Ibig sabihin, wala nang makahahadlang pa kung sakaling magdesisyong tumakbo sa pagka-Bise si Pang. Duterte sa 2022 kahit pa ipilit ng iilan na labag ito sa Saligang Batas.

Ngayong klaro na sa lahat ang isyung ito, tanging desisyon na lang ng Pangulo ang talagang hinihintay na paniguradong magdudulot ng epekto sa iba pang nais ring tumakbo sa pagka-VP.

Hindi maitatangging malakas pa rin ang hatak ng Pangulo sa publiko kaya naman mayroon talagang sasalungat at susubok na humadlang kung sakali mang tanggapin ni Pang.  Duterte ang panawagang tumakbo sa pagka-Bise.

EEZ NG PILIPINAS, BANTAY-SARADO NG PCG

Matagumpay na napaalis ng Philippine Coast Guard kamaikailan ang ilang dayuhang sasakyang pandagat na nagtangkang pumasok sa loob ng Philippine Economic Zone ng Pilipinas.

Ayon sa PCG, 5 sasakyang pandagat ng China at 3 naman ang mula sa Vietnam ang napilitang umalis mula sa Marie Louise Bank na may layo na147 nautical miles mula sa El Nido, Palawan.

Kitang-kita naman na hindi pinababayaan ang soberanya ng bansa at sa mamamagitan ng ating PCG, maigting na nababantayan ng Pilipinas na pasok sa ating EEZ. Taliwas ito sa ilang ulat na tila ba hinahayaan na lang natin ang mga dayuhan, partikular na ang mula sa China, na makapasok at manatili sa ating teritoryo.

Maaari ring sabihin na maging ang isyung pang-teritoryo ay napupulitika na rin dahil hindi naman lingid sa ating kaalaman na papalapit na ang eleksyon. At syempre, anomang makasisira sa imahe ng administrasyong Duterte ay gagawan ng isyu ng iilan upang hilahin pababa ang popularidad ng Pangulo.