Duterte sa mga kandidato: Higit 2 bodyguard, private army na

Duterte sa mga kandidato: Higit 2 bodyguard, private army na

April 19, 2022 @ 6:58 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kandidato para sa May 9 elections na limitahan ang bilang ng kanilang armed bodyguards.

Iyon aniyang mga takot para sa kanilang kaligtasan ay maaaring idulog ang kanilang pangamba sa mga pulis o militar.

Sa kanyang Talk to the People, Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na ang lahat ng mga poll bets ay kailangan na sundin ang Alunan Doctrine na naglilimita sa bilang ng mga armed guards ng mga politiko.

Ang Alunan Doctrine, ipinakilala ni dating Interior Secretary Rafael Alunan III, kinukunsidera ang dalawa at higit pang armed men bilang private army ay dapat na disarmahan ng gobyerno.

“I’ve communicated this to the Cabinet that ang rules should really be followed, yung Alunan Doctrine nalang. Mas maganda ‘yun . That more than two bodyguards would be considered a private army,”ayon sa Pangulo.

“Kung sino man yung mga kandidato, you limit yourself and if you think there is danger to your person in a certain place or a certain person, ipatawag ng RD ‘yan or ipatawag ng chief of police at kausapin na iwasan lang yung away lalo na gamit ng armas,” dagdag na pahayag nito.

Binalaan naman niya ang mga mabibigong sumunod sa Alunan Doctrine. SInabi ng Pangulo na maaari silang arestuhin at litisin.

“I will arrest you and your bodyguards because I said that is…mabuti na ‘yan …fewer people with arms with you, the better,” anito sabay sabing “Kung may fears ka then you might write to the Comelec, let them know and to the police and military.”

Sa kabilang dako, muli namang inulit ni Pangulong Duterte ang kanyang pangako na tiyakin na malayo mula sa dayaan at karahasan ang nalalapit na halalan sa bansa.

“Tandaan ninyo, hindi kami papayag sa gobyerno na magkaroon ng terrorism sa election. Maniwala kayo or hindi, we will enforce the law to make the election peaceful,” anito.

Samantala, siniguro naman ng Chief Executive sa publiko na mananatili siyang “neutral” sa pagpili at hindi pag-endorso sa kahit na sinumang presidential candidate.

“We will remain neutral and will see to it that the true will of the people lalabas sa election na ‘to. Even though I have a party pero nagdistansya muna ako,” aniya pa rin. Kris Jose