E-BIKE DRIVERS, BAGONG ‘KINGS OF THE ROAD’

E-BIKE DRIVERS, BAGONG ‘KINGS OF THE ROAD’

January 16, 2023 @ 10:02 AM 2 weeks ago


HINDI na pala tricycle, pedicab at jeepney drivers ang humahawak ngayon ng titulo bilang “Kings of the Road” dahil nasapawan na sila ng mga pribadong electronic bike o e-bike na namumutiktik sa mga lansangan.

Kahit mga menor-de-edad na walang pinanghahawakang lisensiya o maging student permit, nakapagmamaneho ng e-bike sa lansangan, lalo na ‘yung mga tatlo ang gulong nang hindi man lamang nangangambang masita ng mga pulis o traffic enforcers.

Dati, mga kalesang pinatatakbo ng mga kutsero lang ang tinataguriang “Hari ng Lansangan” dahil kahit saang lansangan sila dumaan at kahit ano pang paglabag sa batas-trapiko ang gawin, hindi sila nangangambang mahuli ng pulis at ma-impound ang kanilang kalesa.

Sa sobrang gigil ng traffic enforcers dahil sa pang-aabuso sa lansangan ng mga kutsero, kinukumpisa na lang ng pulis ang kanilang latigo na ginagamit bilang pang-hagupit sa kabayo kapag nais pabilisin ang takbo.

Nang mawala sa lansangan ang mga kalesa, Namayagpag ang mga pampasaherong jeepney na sila namang pumalit sa trono ng mga kalesa bilang hari ng lansangan dahil karamihan ay hindi na sila sinisita sa mga nagagawang paglabag sa batas trapiko tulad ng pagte-terminal sa mga kanto, magsakay at magbaba ng pasahero kahit sa gitna ng lansangan, magsakay ng sobra sa takdang dami ng pasahero at iba pa dahil may regular silang “lagay” na direkta sa hepe ng traffic bureau.

Noon kasi, mga pulis pa ang nagmanando ng trapiko sa lansangan at dahil may lingguhang parating ang kanilang hepe mula sa mga jeepney driver, hindi makapanghuli ang mga pulis at kung mayroon man, sa traffic bureau na mismo nagkakaaregluhan para hindi magkaroon ng rekord sa Land Transportation Office ang pasaway na tsuper.

Pero nang mapunta na sa lokal na pamahalaan ang pagmamando sa daloy ng trapiko, dito na napalitan ng mga pedicab at tricycle ang mga pampasaherong jeepney bilang Kings of the Road dahil narendahan na ng mga Punong Lungsod ang pasaway na mga jeepney driver.

Nagsala-salabat sa mga secondary road at maging sa mga pangunahing lansangan ang mga tricycle at pedicab na walang takot sumalungat sa daloy ng trapiko at humarurot at makipagsabayan sa mga sasakyang may apat na gulong para lamang makadami ng pasahero.

Pero nang likhain ang Tricycle Regulatory Unit sa lahat ng Local Government Units, kahit papaano ay nasupil ang katigasan ng ulo ng mga pasaway na tricycle at pedicab driver dahil umaapaw sa impounding area ng naturang mga tanggapan sa iba’t-ibang LGUs ang mga nahahatak na tricycle.

Dahil dito, iilan na lang ang natitira sa mga pasaway na tricycle driver dahil sinasala na rin ng operators ang kukuhanin nilang mamamasada sa kanilang sasakyan para hindi ma-impound lalo na’t malaki ang kanilang gagastusin para ito matubos.

Nang mauso na ang mga e-trike at e-bike, sila nga ngayon ang hari ng lansangan, lalo na yung mga pribadong gamit dahil wala silang takot na mahuli kahit anong paglabag pa sa daloy ng trapiko ang gawin. Katunayan, madalas na masaksihan ng maraming motorista na hindi na iginagalang ng mga nagmamaneho ng e-bike at e-trike ang traffic lights maging sa mga pangunahing lansangan dahil kahit red light, dumidiretso kaagad sila kapag nakakita ng pagkakataon.

Hindi kasi sila hinuhuli o sinisita man lang ng traffic enforcers kahit harap-harapan na nilang gawin ang paglabag tulad ng pagsalungat sa daloy ng trapiko at pagpasok sa mga lansangang isinara sa daloy ng sasakyan. Hindi rin kasi nirerehistro ang mga e-bike at e-trike kaya kahit mga walang lisensiya sa pagmamaneho o menor-de-edad ang nasa manibela, malaya silang nakapamamayagpag sa mga lansangan.

Siguro, hindi na dapat hintayin ng pamahalaan na magkaroon ng matinding disgrasya sa lansangan na kasasangkutan ng e-trike o e-bike para pag-aralang muli ng LTO at maging ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para mabigyan ng regulasyon ang paggamit ng ganitong uri ng mga sasakyan sa lansangan.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.