E-governance bill muling inihain ni Sen. Go

E-governance bill muling inihain ni Sen. Go

July 6, 2022 @ 4:08 PM 1 month ago


Muling inihain ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa 19th Congress ang kanyang panukala na nagpapatibay sa paglilipat ng gobyerno sa e-governance sa digital age lalo’t maraming aral na natutunan ang bansa mula sa pandemya.

Ang mungkahing E-Governance Act of 2022, ay nag-aatas sa pamahalaan na magtatag ng isang pinagsama-sama, magkakaugnay na impormasyon at pagbabahagi ng resources at network ng komunikasyon na sumasaklaw sa kabuuan ng pambansa at lokal na pamahalaan, isang panloob na sistema ng pamamahala ng mga talaan ng impormasyon, isang database ng impormasyon o digital portal para sa paghahatid ng mga pampublikong serbisyo.

Itinutulak din ng panukala ang digitization ng paper-based at iba pang tradisyunal na mode of workflows para sa isang mas mahusay at transparent na pampublikong serbisyo.

Sinabi ni Go na ang paglipat ng gobyerno sa digital age ay matagal na sanang nangyari.

“Dapat gamitin ng gobyerno ang information and communications technology para mas mapagsilbihan ang layunin nito at mapalapit sa mga tao sa panahon kung saan halos lahat ay maaaring gawing online at sa pamamagitan ng iba pang digital channels,” ani Go.

Binanggit ng senador na dahil sa COVID-19, nakita ang mga kahinaan at pagkukulang sa paghahatid ng gobyerno ng mga serbisyo.

Sa kasagsagan ng pandemya, sinabi ni Go na ang mahahabang pila at pisikal na appointment sa mga ahensya ng gobyerno, institusyong pinansyal at iba pang pampublikong tanggapan ay nagpabigat sa publiko.

Idinagdag niya na ang mga pangunahing serbisyong panlipunan at mga programa ng pamahalaan ay napilitang isara at nilimitahan ang accessibility ng publiko sa mga serbisyo.

“Isinasaalang-alang ng panukalang batas na ito kung ano ang natutunan natin mula sa kung ano ang nagawa at ginagawa, na nakuha mula sa mga karanasan ng mga advanced sa technology na bansa,” banggit ni Go.

Sa ilalim ng panukala ni Go, ang mga pinuno ng mga ahensya ng gobyerno ay inaatasang sumunod sa mga kinakailangan ng E-governance roadmap, kabilang ang mga kaugnay na pamantayan sa lahat ng imprastraktura, sistema, kagamitan, disenyo at iba pang teknolohiyang itinataguyod ng Department of Information and Communications Technology.

Ang DICT ay uutusan din na pagsamahin at pag-ugnayin ang lahat ng pambansang plano at inisyatiba ng ICT upang matiyak ang kaalaman, impormasyon at pagbabahagi ng resources, pagbuo ng database, at networking agency na naaayon sa mga layunin ng e-government.

Itatatag din ang Integrated Government Network (IGN) na aaktong mapagkukunan ng impormasyon at data sa pamamagitan ng digital at electronic platform sa buong gobyerno.  Ang IGN ay kikilos din bilang pangunahing focal information management tool and communications network.

Iginiit ni Go na dapat maramdaman ng publiko na ang gobyerno ay talagang nasa kanilang mga kamay na naglalapit sa mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga tao.

“Nakita natin ang importansya ng digital transformation in government.  Sa pribadong sektor, napili ang mga negosyo na mag-adopt ng e-commerce techniques para gamitin ang mga serbisyo nila,” anang mambabatas. RNT