E-governance bill umuusad na sa Kamara

E-governance bill umuusad na sa Kamara

February 27, 2023 @ 7:04 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Lumusot na sa House Committee on Appropriations ang panukalang nagsusulong sa E-governance and Create Infrastructure Management Corporation.

Sinabi ni House Committee chairman at Ako Bicol Party List Rep. Elizaldy Co na ang inaprubahang substitute bill ay layong maisulong ang transition ng gobyerno patungo sa e-governance upang makasabay sa makabagong panahon o digital age.

Nakapaloob din sa proposed measure ang pagtatatag ng Philippine Infostructure Management Corporation (PIMC) na magpapahusay sa serbisyong ibinibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng interoperability at pag-maximize sa mga resources ng gobyerno.

Ang nasabing panukala ay pangunahing inakda nina House Speaker Martin Romualdez, TINGOG Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez, at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos matapos itong maisama sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Layunin din ng panukala na isulong ang paggamit ng Information and Communication Technology (ICT) sa pagbabago ng mga proseso, operasyon, at paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan na mas nakasentro sa mamamayan, interconnectivity, at transparency.

Saklaw nito ang lahat ng executive, legislative, at judicial offices, kabilang na ang mga local government units, state universities and colleges, government-owned and controlled corporations, pati na ang iba pang kinauukulang ahensya na nagbibigay ng mga serbisyong may kaugnayan sa pagnenegosyo at non-business related transactions.

Sinabi ni Co na mabisang hakbang ang pagpasa ng panukala tungo sa digital transformation ng bansa na magbibigay-daan sa pamahalaan para makapagbigay ng mabilis, transparent, at mahusay na serbisyo sa publiko.

Una nang ipinahayag ni Marcos na dapat nang samantalahin ang mga bagong teknolohiya at mga pamamaraan upang maibigay sa mamamayang Pilipino ang pinakamahusay na serbisyong nararapat sa kanila, kaya’t mahalaga aniya na makasabay ang gobyerno sa mabilis na pag-usad at pagbabago ng bawat bansa sa mundo.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Department of Information and Communications Technology o DICT Secretary Ivan John Uy para sa agarang pagpasa sa isinusulong na panukalang batas. Meliza Maluntag