E-receipt system sisimulan na ng BIR

E-receipt system sisimulan na ng BIR

July 22, 2022 @ 8:58 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ssisimulan na nito ang paggamit ng electronic invoicing system at pag-iisyu ng mga e-receipts para sa piling 100 indibidwal o kompanya na malakihang magbayad ng buwis.

Sa isang interbyu, sinabi ni BIR Commissioner Lilia Guillermo na ang hakbang ay makakatulong sa kanila na mabilis na masubaybayan ang invoice at resibo para sa negosyo at mga taxpayer.

“Yung e-receipt at invoicing na ni-launch pang-pilot muna namin sa 100 large taxpayers. Yung mayroon pang mga may manual receipts, sabi nga, wala na yung validity ng five years, of course pwede pa iyan gamitin,” Guillermo told veteran journalist Malou Mangahas.

“But kapag successful na yung pilot namin ng e-receipts and invoice, we are towards mandating the use of receipts electronically, para wala ng mga papel,” she added.

Giit pa ni Guillermo maaaring lumawak sa sunod na taon ang electronic invoicing system pero  dapat maging handa ang bureau sa mga imprastraktura na kailangan para mapanatili ang naturang sistema.

Sinabi ng BIR na ilang mga nagbabayad ng buwis ang humihiling na sila ay nadagdagan ng gastos sa pag-imprenta ng mga bagong set ng manual receipts o invoice kapag ang limang taong validity ay nawala na sa kabila ng natitirang imbentaryo ng nasabing mga resibo at invoice.

Samantala, inihayag ni Guillermo na pinaplano ng bureau na mag-digital sa kanilang mga transaksyon para mas mapagsilbihan ang mga nagbabayad ng buwis.

Para makamit ito, sinabi niyang plano ng bureau na sanayin ang mga manggagawa nito para maging handa silang digital.

“Ang isa sa mga pokus natin ay ang pagbuo ng kakayahan sa hanay ng BIR workforce upang gawin silang digital to the core at gawin silang mapagsilbihan ang mga mamamayan nang may katapatan at integridad,” anang komisyoner.

“So hindi lang lahat tungkol sa applications ito, infrastructures at simplification of processes. Ito rin ay tungkol sa digitally transformed workforce ng BIR.” RNT