E-sabong tuluyan nang tutuldukan ni Digong

E-sabong tuluyan nang tutuldukan ni Digong

May 3, 2022 @ 11:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tuluyan nang tutuldukan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang e-sabong kasunod ng rekomendasyon ni Interior Secretary Eduardo Año.

“The recommendation of Sec. Año is to do away with e-sabong,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, araw ng Martes.

“And I agree with it, e-sabong will end by tonight…or bukas,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, nagsagawa ng mahigpit na pagsusuri ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa bagay na ito.

Inatasan kasi ni Pangulong Duterte si Sec. Año na magsagawa ng survey sa industriya.

“Given its network within the local units, and gather feedback in both cities and provinces regarding its operations,” ayon sa Pangulo.

“The recommendation is on my table now, so ‘pag dating doon, basahin ko and maybe by Monday, malaman natin kung ituloy natin o hindi,” ang naging pahayag ng Pangulo nito lamang weekend nang magsagawa siya ng inspeksyon sa OFW Hospital sa Pampanga.

“‘Pag-aralan ko ‘yan ngayong gabi. I will read it all over again, and I would like to see the dimension,” pagpapatuloy nito.

Sa nasabi pa ring event, sinabi ng Pangulo na dapat lamang na ipagpatuloy ang operasyon ng e-sabong sa ilalim ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), para sa isang ahensiya upang magkaroon ng centralized data ukol sa gaming operations.

“Sabi ko sa kanila it must be under PAGCOR. Lahat ng sugal dito sa Pilipinas PAGCOR kasi may control ako. Isang opisina lang tawagan ko kung meron ba nito o wala at anong nangyari dito, so I can have an answer without going to different offices to ask,” anito. Kris Jose