e-Vehicle bill, aprubado sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado – Gatchalian

e-Vehicle bill, aprubado sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado – Gatchalian

May 31, 2021 @ 4:48 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na sa paggamit ng electric vehicles (EVs) sa bansa  na inaasahang tatangikilin ng nakararaming Filipino na bukod sa mura, nakatutulong pa sa kapaligiran.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na malaki ang potensyal na bumaba ang presyo ng mga electric vehicles (EVs) lalo na kung uusbong ang paggawa sa bansa ng ganitong makabagong klase ng sasakyan na sasabayan pa ng pagmamandato ng paglalagay ng mga charging stations sa mga pampubliko at pribadong gusali.

Sinabi ni Gatchalian, pangunahing may akda at sponsor ng Senate Bill (SB) No. 1382 o ang panukalang Electric Vehicles and Charging Stations Act, na tiyak na bababa na ang dami ng inaangkat na suplay na krudo dahil sa kabawasan ng paggamit sakaling dumami na ang mga tumatangkilik ng e-vehicles.

Malaking bagay din ang pakinabang nito sa kapaligiran dahil nakakabawas sa polusyon ang mga EVs, ayon sa senador.

“Ang pinakamahalagang layunin ng panukalang ito ay tiyakin ang seguridad ng suplay ng enerhiya lalo na’t 100% na nakadepende sa importasyon ng krudo ang mga ginagamit ng sasakyan natin. Malaking kabawasan sa polusyon ang mga EVs dahil hindi ito nagdudulot ng greenhouse gas emissions,” ayon kay Gatchalian.

Magbibigay daan din ito sa pag-usbong ng sektor ng pagawaan ng mga EVs dahil ang panukalang batas ay sakop hindi lang ang paggawa ng mismong mga sasakyan kundi pati na rin ang mga spare parts, batteries at ang konstruksyon ng mga charging stations,” ani pa ni Gatchalian.

Sa naturang SB No. 1382, itatag ang national energy policy and regulatory framework para sa paggamit ng mga EVs at pagkakaroon ng mga electric charging stations.

Ipag-uutos din nito ang paglalagay ng mga parking slots na eksklusibo para sa mga EVs at magsisilbi ring charging stations sa mga pampubliko at pribadong mga gusali samantalang ang mga malalaking kumpanya, mga operator ng mga pampublikong transportasyon, mga ahensya ng gobyerno ay oobligahin na gumamit ng EVs.

Ang mga lokal na pamahalaan naman ay kailangang maglagay ng green routes para sa mga pampublikong EVs habang ang mga gasoline stations ay aatasan rin na maglagay ng mga charging stations.

Kapag nangyari iyon, naniniwala si Gatchalian na hindi na malalayo sa presyo ng mga sasakyang gumagamit ng gasolina o diesel ang presyo ng mga EVs dahil bibigyan ng mga insentibo ang mga mag-aangkat, gagamit at magtatayo ng mga pagawaan nito sa bansa.

Kasama rin sa panukala ang pagsisiguro sa mabilis na pagpoproseso ng registration para sa mga gagamit ng EVs, ayon sa Chairman ng Senate Committee on Energy.

“Nang dahil sa pandemya, namulat tayo sa epekto sa kapaligiran nang kumonti ang bilang ng mga sasakyan sa daan at napansin natin na nabawasan din ang polusyon. Sakaling dumami ang bilang ng mga gagamit ng EVs, bababa ang kunsumo natin ng langis a umaabot sa 146.56 milyong bariles kada taon o katipiran sa paggastos na aabot sa $9.8 bilyon o P390 bilyon taon-taon,” pagwawakas ni Gatchalian. Ernie Reyes