Eala, Alcantara, Arcilla kinilala ng Unified Tennis Philippines

Eala, Alcantara, Arcilla kinilala ng Unified Tennis Philippines

February 13, 2023 @ 4:16 PM 1 month ago


MAYNILA – Para sa kanilang napakagandang tagumpay sa 2022 season, sina Alex Eala, Francis Casey Alcantara, at Johnny Arcilla ay pinuri ng Unified Tennis Philippines (UTP).

Si Eala, 17, ang unang nakatanggap ng kanyang plake ng pagkilala sa pagiging unang Filipino junior grand slam singles champion sa 2022 US Open.

“Sa UTP, maraming salamat sa inyong suporta. Sa tingin ko, napakahusay ang ginagawa ninyo para sa Philippine tennis at tiyak na ginagawa ninyo itong magandang karanasan para sa mga kabataan at para sa lahat na interesado sa sport. And I’m super honored to have this award,” ani Eala, na umabot sa career-high WTA ranking ng World No. 214 noong Oktubre.

Mayroon siyang dalawang titulo sa ITF women’s singles at dalawang junior doubles championship mula sa 2020 Australian Open at 2021 Roland Garros.

Si Alcantara, ang unang Pinoy na nanalo ng grand slam sa 2009 Australian Open boys’ doubles event, ay kinilala sa pagkapanalo ng tatlong ITF men’s doubles title noong nakaraang taon – isa sa Cairo, Egypt at dalawa sa Tay Ninh, Vietnam.

“We’re trying our best to keep Philippine tennis up,” ani ng 31-year-old na si Alcantara.

“Salamat kay Alex, siya ang talagang mahusay sa ngayon, na naglalaro sa kanyang unang grand slam qualifying sa Australian Open. It’s a big boost for us in tennis,” dagdag ng doubles specialist na may limang titulo ng ITF at 12 Futures.

Ang 42-anyos na si Arcilla, na itinuring na “living legend” sa paggawad, ay nagkaroon ng napakagandang 2022 nang mapanalunan niya ang kanyang record na 10th Philippine Columbian Association (PCA) Open men’s singles championship at ikaanim na Palawan Pawnshop (PPS) men’s singles title. JC