Eastern Visayas lubog sa baha, libo-libong pamilya inilikas

Eastern Visayas lubog sa baha, libo-libong pamilya inilikas

January 15, 2023 @ 10:36 AM 3 weeks ago


EASTERN VISAYAS- Inilikas ang libu-libong pamilya mula sa iba’t ibang lugar sa Eastern Visayas sanhi ng pagtaas ng tubig-baha at pagguho ng lupa dulot ng patuloy na low pressure area (LPA), inulat nitong Sabado, Enero 14.

Batay sa report, mayroon 32 pamilya sa Northern Samar ang nasa evacuation center sa Barangay Aquino matapos lisanin ang kanilang mga bahay ng tumaas ang tubig-baha.

Ayon kay Jeremy Evardone, ng Palapag municipal disaster risk reduction and management officer (MDRRMO), pinasok na ng baha ang mga kabahayan at posibleng tumaas pa ang tubig-baha.

Sa bayan naman ng Lope De Vega, nakapagtala rin ang MDRRMO ng mga pagguho ng lupa subalit wala naman naiulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente.

Habang mga riprap sa daanan sa Barangay San Miguel ay tuluyan nasira.

Nakipag-koordinasyon na rin ang lokal na pamahalaan sa Department of Public Works and Highways at iba pang ahensya ng gobyerno para sa gagawin inspeksyon sa iba pang mga lugar na nakaranas ng pagguho.

Sa bayan naman ng Catubig, patuloy pa rin ang pagbaha at lubog na rin ang mga kabahayan sa kabila ng paghinto ng pagbuhos ng ulan, maging ang mga bahay na may ikalawang palapag ay inabot pa rin ng tubig-baha.

Halog limang araw na ang pagbaha sa mga bayan dahilan para magdeklara ang Sangguniang Panlalawigan na ilagay ang buong bayan sa ilalim ng state of calamity.

Ito’y para mapabilis ang pagpapalabas ng bahagi ng kanilang calamity fund para mabigyan ng agarang tulong sa mga apektadong pamilya.

Nakatakda sana ipagdiwang bukas (Linggo) ang Sto. Niño de Catubig Festival subalit nakaamba na maudlot ito, subalit sinabi ng lokal na pamahalaan na nakadepende pa rin ang lagay ng panahon kung itutuloy ang selebrasyon.

Samantala, sinabi naman ni Eastern Samar Governor Ben Evardone, na mayroon 5,738 pamilya ang inilikas sa kanilang probinsya.

Nagdeklara na rin ng state of calamity ang probinsya dahil sa walang patid na pagbuhos ng ulan.

Sinabi ni Evardone na ang mga bayan ng Arteche, Oras, Dolores, Jipapad, at Maslog ay matinding tinamaan ng tubig-baha at maraming barangay ang lubog pa rin sa baha.

Dagdag pa ng gobernador na malaki ang problema na makapagbigay ng tulong ngayon sa Jipapad dahil sa mataas ang baha at makakarating lamang sila kapag bumaba na ang tubig.

Nanawagan rin si Evardone ng suplay ng aquatabs, aerosol, at iba pang pagkain para sa mga evacuees.

Sa ngayon ay mayroon ang 7 ang nananatiling nawawala sa nasabing probinsya at 5 sa mga ito ay nawawala simula pa noong Pasko.

Habang sa Leyte naman lubog naman sa baha ang mga coconut farms matapos umapaw ang tubig sa Higasaan River sa Barangay Tuy-a at kalapit na barangay sa Abuyog.

Ayon sa PAGASA, magtutuloy ang ulan ibang parte ng bansa ngayon Linggo bunsod ng LPA at northeast monsoon o amihan.

Sinabi ng PAGASA, ang LPA ay nasa 80 kilometers east southeast ng Surigao City, Surigao del Norte na magdadala rin ng katamtaman pag-ulan hanggang sa malakas sa Bicol Region, Eastern Visayas, Central Visayas, Northern Mindanao, at Caraga.

Asahan naman na makaranas ng katamtaman at paminsan-minsan pagbuhos ng ulan sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, Romblon, at Marinduque. Mary Anne Sapico