Ebidensya ng korapsyon sa PUV modernization, ilantad na! – Inton

Ebidensya ng korapsyon sa PUV modernization, ilantad na! – Inton

March 3, 2023 @ 7:43 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Dapat nang ilabas o ilahad ang impormasyon at ebidensya na may nangyayaring korapsyon sa implementasyon ng modernisasyon ng public utility vehicle (PUV).

Ito ang naging pahayag ni Atty. Ariel Inton, Presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection sa Balitaan sa Tinapayan dahil sa mga pagdududa ng ilang senador tulad ni Senador Raffy Tulfo na nagsabi na ang pag-phase out sa mga PUV ay may koneksyon sa korapsyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Inton, marami na ang nagdududa na maaring may kumikita o naglalako pero aniya ay kinakailangan na mismong si Tulfo ang manawagan ng imbestigasyon hinggil dito.

Giit ni Inton, hindi magiging tagumpay ang isang programa ng gobyerno na may duda ng korapsyon.

Aniya, nanawagan na rin sila na ipatawag ang mga supplier upang malaman kung bakit tumaas din ang kanilang mga unit.

Binigyan diin naman ni National Center for Commuter Safety and Protection, Inc. Chairperson Elvira Medina na 2008 pa pinag-uusapan ang modernisasyon.

Ayon kay Medina, ilang administrasyon na ang nagdaan at ilang mga empleyado na ang nawala at dumating, aniya paano malalalaman na mayroong nangyayaring korapsyon.

“Para sa atin na nag-a-advocate, gusto rin naming malaman–mayroon ba siyang ebidensya para kami din ay makatulong dahil talaga pong importante sa buhay ng mga commuters ang ating modern na mga sasakyan,” saad ni Medina.

Katunayan, sila aniya ay tumutulong sa cooperative upang makahanap ng mas mura at mas magandang deal sa mga bangko at sila ay hindi nakikilam sa mga sasakyan na kanilang pinipili.

Giit ni Medina, ang mga sasakyan ay hindi basta inilalako dahil dumadaan ito sa masusing pagsusuri ng DTI at walang kinalaman dito ang DOTR dahil hindi aniya sila maaaring makialam.

Kung mayroon man aniyang nangyari ng korapsyon sa iba pang bahagi ay paano ito naisasakatuparan, kung iba-ibang tao na ang nasa LTFRB mula pa 2008. Jocelyn Tabangcura-Domenden