Ebidensya vs. Trillanes, pag-aaralan ng Makati RTC

Ebidensya vs. Trillanes, pag-aaralan ng Makati RTC

October 11, 2018 @ 1:59 PM 4 years ago


 

Makati City – Pag-aaralan pa ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 ang mga ebidensya sa kasong kinakaharap ni Senator Antonio Trillanes IV.

Ito ay may kaugnayan sa mosyon ng Department of Justice (DoJ) na humiling na mag isyu ng alias warrant to arrest at hold departure order laban sa senador.

Ayon kay Branch Clerk Atty. Maria Rhodora Peralta, inaantabayan pa kung tatanggapin ni Judge Andres Soriano ang mga ebidensya na maaaring pagbasehan ng desisyon.

Pagkatapos mapag-aralan ang formal offer of evidence na inihain ni Trillanes ay duon pa lang maglalabas ng resolusyon kaugnay ng kahilingan ng DOJ.

Una nang sinabi ng clerk of court na hindi nila minamadali ang pagpapalabas ng desisyon dahil kailangan muna itong aralin nang husto.

Sinabi na rin ni Soriano na hindi pa rin nito matiyak ang eksakto petsa kung kailan makapaglalabas ng desisyon kaugnay ng hiling ng DoJ.

Samantala, itinakda naman bukas, October 12, ang pagdinig sa omnibus motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Senator Antonio Trillanes na naglalayong ipabasura ang nauna nang kautusan nito na nag isyu ng alias warrant of arrest at hold departure order. Beth Dominguez