Eco-friendly transportation, ikinakasa sa QC

Eco-friendly transportation, ikinakasa sa QC

October 18, 2022 @ 7:02 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ikinakasa ng Quezon City local government ang mga paraan upang maging bicycle-friendly at protektahan ang kapaligiran na may ligtas at accessible na mga pasilidad kapwa para sa mga bikers at pedestrian.

Para makamit ang target na ito, mas pinahusay ng Quezon City government ang network ng bike lane upang hikayatin ang mga residente na lumipat sa mas murang paraan ng transportasyon, bawasan ang pag-asa sa mga sasakyang pinapagana ng gasolina, at tumulong na makamit ang isang malusog na pamumuhay.

Sa ngayon, ang Department of Public Order and Safety – Green Transport Office ay naglagay ng mga bike ramp sa apat na footbridge at sa isang underpass sa kahabaan ng 93-kilometer bike lane network ng lungsod.

Samantala tiniyak ng QC government ang pagpapabuti ng grade-separated crossings at bike ramp sa lahat ng 40 footbridge sa kahabaan ng network.

Naka-install na ang limang tawiran sa Quezon Memorial Circle underpass at footbridges sa Commonwealth Avenue (Philippine Coconut Authority and University of the Philippines – Asian Institute of Tourism), Quezon Avenue (Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center), at Katipunan Avenue (UP Town Center).

“Maglalagay din ang lokal na pamahalaan ng mas maraming concrete plant box barriers na idinisenyo upang gawing mas kaakit-akit, mas ligtas ang mga bike lane, at magsilbing alternatibo at green upgrade sa mga plastic barrier na ginagamit bilang physical separator ng bike lane,” ani Mayor Joy Belmonte sa isang pahayag nitong Lunes.

Plano ng Quezon City Parks Development and Administration Department na maglagay ng karagdagang 210 plant box barriers sa Commonwealth Avenue.

Ang ikalawang yugto ng network ng bike lane ng QC ay mag-uugnay sa network ng bike lane sa unang yugto upang maabot ang mas maraming residential at komersyal na lugar.  (Santi Celario)