Economic managers, kinalampag ng solon sa dagdag-ayuda

Economic managers, kinalampag ng solon sa dagdag-ayuda

March 15, 2021 @ 6:49 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Kinalampag ni Ways and Means Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang economic managers na maging bukas sa pagbibigay ng dagdag na relief o ayuda sa mga Pilipinong apektado ng pandemya bunsod na rin ng patuloy pa na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sinabi ni Salceda na naiintindihan niya na  nag-iingat ang pamahalaan pagdating sa distribusyon ng economc relief ngunit mahalagang ikonsidera na rin ng mga economic managers na maging bukas sa pagbibigay ng dagdag na ayuda sa gitna ng krisis.

Sa halip ay hinikayat ng kongresista ang economic managers na magbigay ng numero o bilang na kanilang makakaya at maaaring pagkasunduan sa halip na patuloy na ibasura ang mga panukala ng Kamara.

Tinukoy pa ng mambabatas na ang patuloy rin na pagbaba sa kumpyansa ng mga consumers at negosyo ay magpapabagal sa pagbangon ng bansa.

Ang kada quarter din na pagtaas sa unemployment mula 3.8 milyon noong 2020 sa apat na milyong ngayong Enero 2021 ay nagpapakita na ang economic relief ay kailangang kailangan talaga ng mga kababayan.

Kasabay ng pagtaaas ng kaso ng COVID-19, pinababantayan at pinare-regulate rin ni Salceda sa Department of Health (DOH) ang medical billing sa mga private hospitals upang hindi abusuhin ng mga pribadong pagamutan ang mga pasyente na hindi na maseserbisyuhan ng mga pampublikong ospital. (Meliza Maluntag)