Economic recovery ng Pinas,  nakasalalay sa mga manggagawang Pinoy – PBBM

Economic recovery ng Pinas,  nakasalalay sa mga manggagawang Pinoy – PBBM

November 14, 2022 @ 9:20 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Mahalaga ang papel at gampanin ng mga manggagawang Pilipino sa pagtulong na palakasin ang  post-pandemic economic recovery ng Pilipinas.

Ipinahayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.  sa kanyang pakikipagpulong sa Filipino community sa Phnom Penh, Cambodia matapos ang kanyang naging partisipasyon sa 40th at 41st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits and Related Summits.

Sa kanyang naging talumpati, inilarawan  ng Pangulo  ang nasabing pulong kasama ang  overseas Filipino workers bilang isang “breath of fresh air” matapos ang four-day biannual meetings.

Pinuri niya ang mga ito para sa kanilang dedikasyon at pagsisikap, tinukoy ang kahalagahan ng kanilang naging kontribusyon o ambag sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

“OFW ngayon ang bumubuhay pa sa ekonomiya. Napakahalaga ng inyong ginagawa, napakahalaga ng inyong ginagawang trabaho,” ang wika ni Pangulong Marcos.

Gayundin, tinukoy din ng Pangulo ang kahalagahan ng pamumuhunan sa  human capital development, sabay sabing, “it will return tenfold.”

“Malakas ang loob ko magsabi na magre-recover tayo dahil yang mga Pilipino, lahat ‘yan ay maaasahan natin na kapag binigyan natin ng magandang pagkakataon, ng tulong. Hindi tayo mapapahiya,” aniya pa rin.

Inilarawan din niya ang mga Pilipino bilang “the best people in the world” para sa kanilang mga kalidad na labis na hinahangaan ng mga foreign employers.

“The FilCom in Cambodia are the ties that bind our deep and growing relationship with the Kingdom of Cambodia. Kayo ang dahilan kung bakit madali ako lumapit kay Prime Minister Hun Sen at sa hari ng Cambodia [Norodom Sihamoni],” aniya pa rin.

”Tumitingkad ang reputasyon ng Pilipinas dahil sa maganda niyong ginagawa,” dagdag na pahayag nito.

Samantala, tiniyak naman ng Pangulo sa lahat ng  OFWs ang  commitment ng gobyerno na makapagbigay ng sapat na  lokal na hanapbuhay  para sa mga filipino upang sa gayon ay hindi na maghanap pa ang mga ito ng trabaho sa ibang bansa maliban na lamang kung nais ng mga ito.

“Ang ating pangarap ay hindi na kailangang umalis ang Pilipino dahil hindi makahanap ng trabaho sa Pilipinas. Kung may aalis man, hindi ito sapilitan,” aniya pa rin. Kris Jose