Economic recovery plan ni PBBM suportado ng BIR

Economic recovery plan ni PBBM suportado ng BIR

August 4, 2022 @ 11:09 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nangako ang pamunuan at mga kawani ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mas paiigtingin nila ang pagsisikap na makalikom ng mas maraming pondo upang mapadali ang pagbangon ng ekonomiyang nasalanta dulot ng pandemya bunsod ng COVID-19.

Ito ay bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na itaas ang mga koleksyon ng buwis upang mapakinabangan ang pagsisikap na mapabuti ang ekonomiya.

Nangako ang mga revenuers sa pamumuno ni BIR Commissioner Lilia Catris Guillermo kasabay ng pagdiriwang ng ika-118 founding anniversary ng ahensya sa Philippine International Convention Center.

Sa isang video message, ipinahayag ng Pangulo ang kanyang pasasalamat sa mga empleyado, opisyal at mga bumubuo ng nasabing ahensiya ng gobyerno kung saan sinambit ng punong ehekutibo ng bansa na umaasa ito sa bawat isa na gawin ang kani-kanilang bahagi sa pagpapahusay ng katatagan ng pananalapi sa bansa.

“Tax collection is a thankless job and that is why I want to take this opportunity to express my appreciation of what you have been doing,” saad ni Marcos.

Samantala, itinuon naman ni Guillermo ang kanyang mensahe sa kahalagahan ng digitalization ng mga operasyon ng bureau upang makalikom ng kinakailangang pondo.

“The past years have proven the power of information technology (IT) to link people across great distances,” ani Guillermo.

Binanggit ng BIR chief na sa pamamagitan ng IT ay napanatili ng bureau ang operasyon nito sa kabila ng pandemya, na nakalikom noong nakaraang taon ng mahigit P2.4 bilyon, o mahigit P5 bilyon kumpara sa kanilang target.