Economic sabotage ikakasa ni Sandro vs yosi smugglers

Economic sabotage ikakasa ni Sandro vs yosi smugglers

September 13, 2022 @ 11:02 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Isang panukala ang inihain sa Kamara na nagsusulong na iklasipika ang cigarette smuggling bilang economic sabotage.

Layon ng House Bill 3917 na inihain nina Deputy Majority Leader Sandro Marcos at
PBA party-list Rep. Margarita Nograles na amyendahan ang Republic Act 10845 o
Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 kung saan isama ang tobacco bilang agricultural commodities.

Sa ilalim kasi ng orihinal na batas, ang kabilang lamang sa agricultural commodities ay ang bigas, asukal, mais, pork, poultry, garlic, onion, carrots, isda at cruciferous vegetables kung saan ang large-scale smuggling ng alinman sa nasabing agricultural products ay tinuturing na economic sabotage na isang heinous crime.

Giit ni Nograles na may pangangailangan na patawan ng mabigat na parusa ang cigarette smugglers kabilang ang illicit trade kung saan kanilang inirerekomenda ang pagpataw ng 30 hanggang 40 taong pagkakakulong bukod pa sa kailangan na magbayad ng doble sa nakumpiskang smuggled items.

“There is an urgent need to combat large-scale tobacco smuggling by imposing more stringent penalties and deter the entry and sale of illegal tobacco in the Philippines,” giit nito.

Umaasa ang dalawang mambabatas sa suporta ng Kamara sa harap na rin ng talamak na smuggling ng sigarilyo kung saan aabot sa P30B hanggang P60B ang nawawala sa kita ng bansa kada taon.

“If the entry and sale of smuggled cigarettes continues unrestricted, the national government stands to lose even more revenues. This will be detrimental to its pandemic recovery efforts, clearly, this is one of the biggest tax leaks that government needs to plug,” nakasaad pa sa panukala.

Ang nasabing panukala ay alinsunod sa naging deklarasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kung saan nagdeklara ito ng giyera laban sa smuggling. Gail Mendoza