ECOP umaasa sa SSS, PhilHealth contribution hike postponement

ECOP umaasa sa SSS, PhilHealth contribution hike postponement

December 9, 2022 @ 11:46 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang Employers Confederation of the Philippines sa pamumuno ni Sergio Ortiz na ipagpapaliban muna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nakatakdang taas-contribution ng Social Security System at Philippine Health Insurance Service sa susunod na taon.

Bagama’t nasa mandato ng batas ang naturang pagtataas sa contribution, sinabi ni Ortiz-Luis na humiling na sila sa Kongreso na amyendahan ito ngunit hindi inaksyunan ng nakaraang administrasyon.

“Noong isang taon… pumupunta kami sa Kongreso at ang Kongreso nag-issue ng authority to the President na pwede niya galawin o i-postpone yung pagtataas. Unfortunately hindi naman ginawa ng presidente noon,” aniya.

“Hopefully nandoon pa yata ang authority noon, kung makikita ng presidente natin nagaan na pwedeng hindi pa magtaas, hopefully pwede niya i-hold,” dagdag pa ng ECOP president.

Aniya, apektado ng pagtaas sa monthly premium ang mga empleyado at employer ng maliliit na negosyo lalo pa sa panahon na nananatiling matindi ang inflation sa bansa.

Kung babalikan ay pumalo sa 8% ang inflation nitong Nobyembre na doble pa sa limit ng pamahalaan na 4%. RNT/JGC