EcoWaste sa IATF-EID: Paputok ipagbawal

EcoWaste sa IATF-EID: Paputok ipagbawal

November 21, 2020 @ 3:45 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines-Ipinanukala ng environmental health organization na EcoWaste Coalition sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na ipagbawal ang paggamit ng paputok at pailaw sa pagsalubong sa 2021.

Sa liham na ipinadala ng EcoWaste sa IATF-EID noong Nobyembre 17, 2020, hiniling ng grupo na gumawa ng alternatibong paraan ng pagsalubong sa malusog at environment-friendly New Year nang ‘di gumagamit ng paputok at pailaw.

Ayon kay EcoWaste president Eileen Sison, hiniling din nila sa task force na ipagbawal ang paggamit ng pera ng taumbayan sa pagbili ng firecrackers, fireworks at iba pang pampasabog sa halip ay gamitin para makatulong sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic at mga bagyong nanalasa sa buong bansa.

Binanggit ng EcoWaste ang matagumpay na hakbang ng IATF-EID na ipagbawal ang pagtitipon sa panahon ng Undas sa pamamagitan ng pagsasara ng mga sementeryo, private memorial parks at columbaria na nakatulong para maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Malaki rin umano ang posibilidad na magtagumpay ang IATF-EID sa pagtiyak para sa ligtas at ecological na pagsalubong sa New Year nang walang paputok.

Ayon sa grupo, delikado ang pagka-expose sa toxic pollutants na ibinubuga ng paputok, lalo na sa matatanda at may malalang kondisyon, kabilang ang may  chronic obstructive pulmonary disease, heart problems, diabetes, at iba pang sakit dahil malaki ang posibilidad na magkaroon sila ng sintomas ng COVID-19. RNT 


  •  
  •  
  •  

Loading...