ECQ mananatili hanggang ‘di bumababa ang hospital admissions



ECQ mananatili hanggang ‘di bumababa ang hospital admissions

April 4, 2021 @ 1:34 PM 3 months ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Mananatili nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila at mga karatig-probinsya nito hanggang hindi bumababa ng bilang ng mga isinusugod sa ospital dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

“Tinitingnan ko rin yung hospitals. Kapag hindi kaya ng hospitals, hindi muna natin dapat i-lift yung ECQ,” saad ni National Task Force Against COVID-19 medical expert Dr. Ted Herbosa sa isang panayam sa radyo.

Nitong Sabado, pinalawig ang ECQ sa NCR plus o ang Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna hanggang Abril 11.

Giit ni Herbosa na ito rin ay bilang proteksyon ng health system ng bansa kung saan halos punuan na ang mga ospital lalo na sa NCR.

“May mga kwento na tayong nadidinig na naghihintay ng ilang araw, namamatay sa tent sa labas,” lahad nito.

Aniya nasa 1.4 hanggang 1.8 ang reproduction number ng bansa mula sa 1 o mas mababa pa na ideal na bilang nito.

“Yung test positivity rate, bababa yan kapag naa-isolate mo yung super spreader. Kapag naa-isolate mo sila, siyempre makakapagbaba ng hawaan. So ang hinahanap natin diyan is nasa below 5% para tumigil yung pagkalat,” dagdag ni Herbosa.

Nagtala nitong Sabado ng 12,576 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa dahilan upang sumampa ito sa 784,043. RNT/ELM


  •  
  •  
  •