ECQ sa Marso, malabo pa – Roque

ECQ sa Marso, malabo pa – Roque

March 15, 2021 @ 5:01 PM 1 year ago


Manila, Philippines – ang posibilidad na bumalik sa “strictest quarantine measure” o enhanced community quarantine (ECQ) ang ilang bahagi ng bansa ngayong buwan ng Marso sa kabila ng pagsipa ng COVID-19 cases.

“Sa buwan ng Marso, possibly hindi pa po,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Inamin ni Sec. Roque na hindi siya sigurado kung ano ang magiging quarantine status para sa buwan ng Abril lalo pa’t masyadong mabilis ang reproduction number o r-naught ng COVID-19.

“Hindi po natin alam kasi kung hindi po natin mapapababa yung r-naught na 1.9, ang ibig sabihin po nun, ang isang tao na may Covid ay makakahawa ng at least dalawa. Yun po ang ibig sabihin ng r-naught,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Iyon aniya ang dahilan kaya masusing nakabantay ang pamahalaan sa bagay na ito.

“Mabilis po iyon. I really do not know what will happen in April kaya po binabantayan natin,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Sa ulat, nagbabala ang OCTA Research Group na kung hindi mapipigilan ang pagkalat ng virus ay posibleng sumampa sa 7,000 hanggang 8,000 bagong kaso ang maitala kada araw sa katapusan ng Marso.

Una nang nagbabala ang grupo na maaaring makapagtala ang bansa ng 20,000 bagong kaso ng COVID-19 sa Abril kung magtutuloy-tuloy ang pagkalat ng sakit.

Samantala, duda naman si dating National Task Force (NTF) Against COVID-19 Special Adviser Dr. Tony Leachon na mapapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa pamamagitan lamang ng pagpapatupad ng curfew.

Ani Leachon na makakatulong pero maliit na bagay lamang ang curfew.

Sa halip, iminungkahi niya na dalawang linggong isailalim ang Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) o kung mamarapatin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Kasabay nito, dapat aniyang ayusin ng pamahalaan ang problema sa testing, contact tracing at isolation quarantine at pabilisin ang pagdating ng mga bakuna.

“Last year, we were not ready at that time kaya napilitan tayong apat na buwan naka-lockdown. Kaya lang the situation right now is different. We are more equipped and more prepared today that last year. Ang problema lang natin, merong variant na nakapasok sa bansa natin na nagpapadali ng transmission at yang mga yan ay mapipigilan lang, aside from the usual minimum health standards, yung hindi tayo magsisilabas lahat po at least for two weeks para bumaba yung ating transmission,” saad ni Leachon.

Bago ito, tinukoy ni Leachon ang mga maling ginawa ng pamahalaan kung kaya’t hindi agad napigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Kabilang rito ang kawalan ng sense of urgency sa pagsasagawa ng mga science-based approach, pagmamadaling buksan ang ekonomiya at kakulangan ng paghahanda sa pagdating ng mga bakuna.

Samantala, naniniwala rin si OCTA Research Group fellow Dr. Butch Ong na maiiwasan lang ang pagkalat ng virus kung makokontrol ang galaw ng mga tao.

“There are challenges with granular lockdown also. Although effective siya in controlling the spread in community but if a traveler who has a COVID and he is asymptomatic crosses boundaries at nagpunta siya sa trabaho sa ibang lugar na mababa ang cases at dala niya ang bagong variant, yung pinuntahan niya might increases in numbers as well,” paliwanag ni Ong sa isang panayam. Kris Jose