Edad para ituring na senior citizen, gustong ibaba ng Senado

Edad para ituring na senior citizen, gustong ibaba ng Senado

December 6, 2022 @ 6:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Gustong ibaba sa Senado ang edad ng senior citizen na mula sa 60 sa 56-anyos upang makakuha ng mas maagang benepisyo.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Ramon Revilla Jr., na maraming tao ang hindi pinalad na makarating sa edad na 60 anyos partikular nitong nagdaang pandemya.

“Sa panahon ngayon, lalo na at nagkapandemya, madami ang hindi pinalad umabot sa edad na sisenta. Sabi nga e, aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo. Kaya habang may oras pa e bigyang halaga na natin sila sa pamamagitan ng pagpapaabot ng benepisyo,” ayon kay Revilla.

Base sa datos nitong Disyembre 2022 mula sa Department of Health, umabot sa 8.33 porsiyento ng kaso ng COVID-19 ang naitala sa senior citizen na Filipino na nagresulta ng kamatayan kumpara sa .76 porsiyentong mortality rate sa may edad 18 hanggang 59 taong gulang.

Layunin ng panukalang Senate Bill No. 1573, aamendahan nito ang Republic Act No. 7432, na nagtatakda sa 60 anyos ang edad ng senior citizen sa bansa.

“If the proposed law is enacted, all Filipino resident citizens at least 56 years old would be considered as senior citizens and would be entitled to various benefits,” ayon sa panukala.

Alinsunod sa umiiral na batas, nakakakuha ng 20 porsiyentong discount at walang VAT ang senior citizen sa gamut, medical supplies at kagamitan, pamasahe,. Hotel at restoran.

Hindi rin sila sinisingil ng income tax sa minimu wage earner at 5 porsiyento discount sa tubig at kuryente at mayroong sariling express lane sa pribado at pampublikong lugar. Ernie Reyes