EDCA projects ‘di paghahanda sa giyera – Galvez

EDCA projects ‘di paghahanda sa giyera – Galvez

March 4, 2023 @ 3:13 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – HINDI paghahanda sa giyera ang pakay ng mga proyekto sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ayon sa paglilinaw ni Defense Sec. Carlito Galvez Jr.

Giit ng opisyal na nais lamang nilang palakasin ang kakayahan ng tropa ng pamahalaan sa pagtatanggol sa mga posibleng banta sa seguridad.

“Our projects under EDCA and our other dfense partnerships are not intended for aggression. We are not preparing for war, rather, we are aiming to develop our defense capabilities against eventualities and threats to our security,” ayon kay Galvez.

Ang mga pagsisikap aniya sa ilalim ng kasunduan sa seguridad sa Estados Unidos ay para sa pagpapahusay ng kahandaan sa pasilidad ng militar ng Pilipinas.

Wika pa ni Galvez, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na pagtuunan ng pansin at tutukan ang “territorial defense” lalo na sa West Philippine Sea.

Ang mga naunang kasunduan ay nakatuon lamang sa internal security operations. Ngunit ngayon aniya, target nilang mas pag-ibayuhin pa ang depensa laban sa mga pagbabanta.

Hangad din DND ang karagdagang EDCA sites makaraang magkasundo ang Pilipinas at Amerika na paglalagay ng tropa at kagamitan ng US sa bansa.

Bagama’t naiintindihan nila ang agam-agam ng ilang local government units, mas dapat umanong isaalang-alang ang magiging pakinabang ng bansa.

Delikado ani Galvez ang lugar ng Pilipinas sa Pacific kaya kailangan ang pagmomonitor at maprotektahan ang seaboards sa kanluran, silangan, timog at hilaga.

Nasa ilalim din ng EDCA ang pagpapalakas ng pagresponde sa iba’t ibang kalamidad.

“We are hopeful for the continued support of the Filipino people in these endeavors,” ayon pa kay Galvez. Kris Jose