EDCA: SEGURIDAD O KAPAHAMAKAN?

EDCA: SEGURIDAD O KAPAHAMAKAN?

November 24, 2022 @ 1:15 AM 5 days ago


SA talakayan na inorganisa ng Integrated Development Studies Institute kamakailan, nagkaisa sina dating Senator Francisco “Kit” Tatad at professors of law Butch Valdez at Harry Roque sa pagsasabing labag sa Konstitusyon ang Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at United States.

Sa kabilang banda, may desisyon na mismo ang Supreme Court sa EDCA noong Enero 12, 2016 na nagsasabing hindi ito labag sa Konstitusyon at, bilang isang executive agreement, naaayon ito sa mga umiiral na batas at tratado na ipinatutupad nito.

Sa 15 Hukom na bumubuo ng SC, tanging sina Associate Justices Teresita Leonardo-CA-Castro, Marvic M.V.F. Leonen, Arturo Brion at Estela Perlas-Bernabe ang kumontra sa desisyon.

Inisa-isa ng SC sa epilogue ng desisyon ang kabilang sa mga pangangailangan ng EDCA gaya ng kontrobersya sa West Philippine Sea, problema ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front, kidnapping ng Abu Sayyaf at New People’s Army at malaking tulong ng mga Amerikano nang daluhungin ang bansa ng bagyong “Yolanda” na ikinamatay na mahigit 6,000 mamamayan.

Ayon sa desisyon, kailangang mabalanse ang sinasabi ng Konstitusyon laban sa pangangailangan ng bansa, mapanatili ang kapayapaan at matugunan ang mapanirang kalikasan at may kapangyarihan ang Pangulo na makipagkasundo sa kaninoman ngunit dala ang higit na kapakanan ng bansa.

Ngayon naggigirian ang US at China sa pagkontrol sa South China Sea ayon sa kani-kanilang interes na higit sa interes ng Pilipinas.

Importante ang SCS sa US dahil malaki ang parte nito sa $5 trilyong kalakal na ibinibiyahe rito at kung makontrol ang SCS ng China at kung maggiyera ang dalawa, yari ang nasabing kalakal.

Paano nga kung gagamitin ng US military ang 10 lokasyon ng EDCA mula sa Cagayan hanggang Mindanao laban sa China, higit bang interes ito ng Pilipinas?

Kung maggiyera ang US at China, hindi kaya uulan ng missiles, mga bomba at bala ng kanyon ng China sa Pilipinas dahil sa EDCA at magbubunga ng labis-labis na kamatayan, gutom at paghihirap sa atin?

Higit bang proteksyon ang EDCA ng mga Pinoy o higit na kapahamakanan ang idudulot nito?

Sa ngayon, laging umuulan ang mga missile, bomba at bala ng kanyon ng Russia sa Ukraine, na ang US ang pangunahing tumutulong sa Ukraine para pabagsakin ang Russia.

Kamatayan at labis na gutom, paghihirap at iba pa ang dinaranas ng mga Ukrainian habang hapi lang ang mga Kano sa kanilang eleksyon at buhay-buhay.