‘Eddie Garcia bill’ umarangkada na sa Kamara

‘Eddie Garcia bill’ umarangkada na sa Kamara

January 31, 2023 @ 4:02 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang naglalayong protektahan ang mga manggagawa sa film, television, at radio entertainment industry nitong Lunes, Enero 30.

Ang panukala na tinawag na “Eddie Garcia bill” o ang House Bill 1270 ay naglalayong magbigay ng oportunidad sa mga empleyado na magkaroon ng maayos na trabaho, maayos na sweldo, ligtas sa mga pang-aabuso, hazardous working conditions at economic exploitation.

Matatandaan na nasawi ang beteranong aktor na si Eddie Garcia noong 2019 makaraang magkaroon ng neck injury habang nasa shooting ng isang sikat na television series.

Ayon sa may-akda ng panukala na si Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte, ang mga production companies ay tuloy-tuloy na nagtatrabaho mula 16 hanggang 42 oras, batay sa datos mula sa Directors Guild of the Philippines.

“The movie and television industry is one of the many industries whose work hours are unorthodox, owing to the nature of the industry itself. They clock in depending on the needs of the shoot and work extra for preparations prior,” saad ni Villafuerte sa kanyang explanatory note.

“As they do not follow the regular eight to five work hours, there is a need to regulate the working conditions of this industry to avoid cases of overworking among their workforce,” dagdag niya.

Sinabi rin sa panukala na dapat bigyang konsiderasyon ang overtime work na hindi dapat lalampas sa mahigit 12 oras sa 24-hour period.

Layon din ng ‘Eddie Garcia bill’ na magbigay ng tamang kompensasyon, pasilidad, transportasyon at tirahan para sa mga talents at workers sa mga location shoots, kabilang ang social service benefits. RNT/JGC