EDSA bus carousel fare discount kinokonsidera ng DOTr

EDSA bus carousel fare discount kinokonsidera ng DOTr

January 25, 2023 @ 7:03 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sa halip na ibalik ang libreng sakay, pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad na magbigay na lang ng diskuwento sa pamasahe sa mga commuter gamit ang EDSA bus carousel sa gitna ng limitadong pondo.

“Ito’y pinag-aaralan ng LTFRB mas bawasan lang yung pamasahe kung sakaling ito ang magiging direksyon ng DOTr at LTFRB,” ani DOTr Undersecretary Mark Steven Pastor.

Sinabi ng Mega Manila Consortium Corporation (MMCC), isa sa dalawang grupong nagpapatakbo ng EDSA Bus Carousel, na nabawasan ng 20 porsiyento ang kanilang mga pasahero mula nang magsimula silang mangolekta ng pamasahe noong Enero 1.

Para sa 2023 national budget, humigit-kumulang P1.2 bilyon ang inilaan para sa mga service contracting program tulad ng EDSA bus carousel.

Gayunpaman, kung ang gobyerno ay magbibigay ng libreng sakay, ang pondo ay hindi sapat.

Gumastos ang gobyerno ng P12 hanggang P14 milyon araw-araw noong nakaraang taon para sa libreng sakay sa bus, ayon sa LTFRB.

Sinabi ni Pastor na may posibilidad na ipatupad din ang discounted fare sa Cebu City at Davao City.

Hinihintay pa ng DOTr na i-liquidate ng LTFRB ang P8.4 bilyon na ginastos para sa service contracting program sa 2022 bago ilabas ang pondo para sa panukalang bawas pamasahe, sabi ng ulat. RNT