‘EDSA REVOLT’ BIGO KAYA NILALANGAW

‘EDSA REVOLT’ BIGO KAYA NILALANGAW

February 25, 2023 @ 1:34 AM 1 month ago


SINISILIP ng pitak na ito ang lumabas na sarbey ng Social Weather Station ukol sa EDSA Revolt.
Nasa 62 porsyento ng mga mamamayan ang naniniwalang buhay na buhay ang espiritu ng nasabing mapayapang rebolusyon.

Pero pagtingin natin sa kalsada sa 62% na ‘to kahapon at bago ito, halimbawa sa sentro nang pangyayari sa EDSA noong Pebrero 25, 1986, wala tayong gaanong napansin.

Nasaan nga ang 62% na ‘yan?

Sa halip na 62%, nilalangaw na ang EDSA Revolt!

Ano kaya ang nangyari?

Sinilip muli natin ang kwentong SWS.

Ah, narito ang isang sagot.

Nasa 22% lang pala ang nagsasabing buhay na buhay ang EDSA revolt at binubuo nang 78% ang nagsabing medyo buhay pa, patay na o parang naghihingalo.

Heto pa ang masamang balita mula pa rin sa SWS survey.

Nasa 47% ang nagsasabing kakaunti lang sa mga pangako sa EDSA Revolt ang natupad habang nasa 19% ang nagsabing karamihan ang natupad.

Heto pa, kung isama mo sa 47% na para sa “kakaunti ang natupad” ang 28% na nagsabing halos lahat hindi natupad at ang 5% na nagsabing walang natupad sa lahat ng pangako, naloko na.

Sino nga naman ang gaganahang dadalo sa pagtitipon para sa EDSA Revolt kung itinuturing na ito ng higit na nakararami na wala nang “kabuhay-buhay”?

Higit na masama, sino ang dadalo at magpapahalaga sa EDSA Revolt kung higit na nakararami ang naniniwala na halos wala o wala talagang natupad ang mga nag-EDSA revolt sa kanilang mga pangako para sa pagbabago at pag-angat ng kalagayan ng sambayanan?

Halimbawa na lang sa edukasyon at kalusugan.

Sa panahon lang ni Mayor Pangulong Digong Duterte nangyari o natupad ang matagal nang isinisigaw ng mga ralyista na libreng edukasyon sa kolehiyo at hindi nangyari ito mula 1986 hanggang 2016.

Ngayon lang din nangyari na burado ang bayarin sa ospital ng mga mahihirap dahil sa ‘Malasakit Center’ na pinangunahang inakda na maging batas ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.