EDSA Timog flyover muling bubuksan sa Hulyo 25

EDSA Timog flyover muling bubuksan sa Hulyo 25

July 14, 2022 @ 10:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Muling magbubukas sa motorista ang southbound na bahagi ng Timog Flyover sa kahabaan ng Edsa sa Quezon City sa Hulyo 25 dakong alas-5 ng hapon matapos makumpleto ang malaking pagkukumpuni ng mas maaga sa itinakdang iskedyul.

Sa press conference sa MMDA headquarters sa Makati City kahapon, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Edward Santos na ang “major repairs” sa flyover ay “mostly done.”

Isinara sa trapiko ang southbound portion ng flyover noong Hunyo 25 upang bigyang-daan ang agarang pagkukumpuni matapos makitaan ng bitak sa kahabaan ng nasabing istraktura.

Bilang karagdagan sa pagpapatuloy ng operasyon ng flyover, sinabi ni MMDA Officer-in-Charge Director Baltazar Melgar sa isang Laging Handa briefing na ang mga road at sidewalk clearing operations ay nagpapatuloy sa buong Metro Manila upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mas maraming sasakyan dahil sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Nobyembre.

Aniya ang MMDA ay nag-aalok ng tulong sa mga paaralan sa bahagi ng Metro Manila upang tulongan sa paghahanda para sa pagbabalik eskuwela ng mga estudyante.

Sa pamamagitan aniya ng kanilang programang ‘Balik Eskwela’ ay handa na silang magbigay ng tulong sa mga punong-guro ng paaralan matapos silang makatanggap ng mga kahilingan na gumawa ng mga pedestrian lane markings at misting sa loob ng mga paaralan upang sa pagsisimula ng school year ngayong Agosto.

Hinikayat din niya ang publiko na tulungan ang gobyerno sa mga clearing operation nito sa pamamagitan ng hindi paggawa ng mga sagabal, tulad ng mga istruktura o nakaparadang sasakyan, sa mga bangketa o kalsada. Jocelyn Tabangcura-Domenden