EDUCATION SECTOR PATATAGIN

EDUCATION SECTOR PATATAGIN

July 11, 2021 @ 7:13 PM 1 year ago


Muli na naman nating ginugunita ang National Disaster Resilience Month ngayong Hulyo, kaya naman nais kong bigyang-pansin at idiin na kinakailangan nating patatagin ang basic education sector, ang kakayahan nitong maghatid ng edukasyon sa gitna ng mga nangyayaring sakuna o anomang uri ng emergency situation kagaya na lamang ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Atin pong pinagdaraanan ngayon ang pinakamalawak at pinakamatinding sakuna sa buong mundo.

Sa pagtaguyod ng new o better normal sa larangan ng edukasyon, nais nating siguraduhin na ang ating education system ay mas matatag sa gitna ng mga krisis o trahedya upang matiyak ang kapakanan ng bawat estudyanye.

Bunsod ng malaking pinsala ng Covid-19, lalo pong nakita ang tunay na pangangailangang patatagin at gawing mas flexible ang sistema ng edukasyon sa bansa, partikular na tuwing kinakailangang magsara ang mga paaralan.

Nasa mahigit dalawampu’t anim at kalahating (26.5) milyong mag-aaral sa basic education ang kinailangan pong sumailalim sa distance learning nang mahinto ang face-to-face learning noong nakaraang Marso 2020.

Sa pagpapaigting ng edukasyon sa gitna ng mga sakunang tulad nito, mahalaga po para sa atin ang papel ng bawat lokal na pamahalaan, lalo na ang local school boards.

Ating napag-alaman na isang panukala sa Senado ukol sa mga probisyon sa Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards ang mas pinalawig na papel ng local school boards.

Sa ilalim po ng panukalang batas, magiging papel na rin ng local school board ang paghahatid ng napapanahon, organisado, at localized na interventions para sa pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng kalamidad o sakuna.

Isinusulong din ng 21st Century School Boards Act ang lalong pinalawig na paggamit ng Special Education Fund para magamit sa mga ‘di pormal at distance education classes, kasama na ang training programs.

Isinulong din po sa Senate Bill No. 1565 o Education in the Better Normal Act ang hybrid learning system na paggamit ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo: homeschooling, online learning, pagtuturo sa radyo at telebisyon at printed modules.

Tunay nga naman na sa panahon ng mga krisis pang-kalusugang tulad nito, marapat tukuyin sa mga plano ng pagbabalik-eskwela ang mga hakbang tulad ng paglilinis at disinfection ng paaralan, pagkakaroon ng public health supplies, preventive public health programs, teacher training sa disease prevention and management, at iba pa.

o0o

Para sa inyong mga komento o sumbong, maaari po kayong tumawag o mag-text sa ating 1-Ang Edukasyon Party-list Hotline: 0927.930.25.81 at makaaasa po kayo sa agarang tugon ng inyong mga mensahe.