EDUKASYON NGAYONG TAON SUPORTAHAN NANG BUO

EDUKASYON NGAYONG TAON SUPORTAHAN NANG BUO

September 15, 2021 @ 8:33 AM 7 days ago

  •  
  •  
  •  

NAGSIMULA na ang pag-aaral para sa taong 2021-2022 kamakalawa.

Magandang balita mula sa Department of Education ang halos magkapantay na bilang ng mga nag-enrol nitong nakaraang taon at ngayong taon.

Nasa 24.6 milyon lahat mula kindergarten hanggang sa senior high school.

Makatitiyak tayo ng edukadong mga mamamayan para sa mga darating na bukas.

Medyo nakalulungkot lang isipin na bago dumating ang pandemya, nasa 27 milyon ang nag-e-enrol kumpara sa 24.6 milyong enrollees ngayon.

Nasaan kaya ‘yung mahigit 2 milyon na bata?

NAKARARAMI PASADO

Ayon sa DepEd, mula sa 24.7M na nag-enrol nitong nakaraang taon, may 98.13 porsyento sa Grade 6 ang nakatapos; 96.7% sa Grade 10; at 97.2% sa Grade 11.

Maganda na ring tingnan ito na rekord kahit merong hindi pasado, kahit anong gawin nina ma’am at sir na pagtuturo.

Saludo tayo sa mga guro na inabot ng mga katakot-takot na paghihirap sa pagtuturo sa labis na kakulangan sa mga kagamitan, kasama ang mga gadget, ngunit nairaos nila ang pag-akyat ng mga bata sa bawat hakbang ng edukasyon pataas.

Sana, maulit sa school year 2021-2022 ang tagumpay nitong nakaraang taon.

MGA PROBLEMA

Noong una, katakot-takot na problema ang naranasan, lalo na sa parte ng mga guro, maging sa hanay ng mga estudyante.

Naririyan ang paggastos ng mga guro ng sarili nilang sahod sa pagpaparami ng mga kopya ng aralin sa blended learning, pagbili ng mga papel at piyesa ng nasisirang copying machines at bigay sa mga technician sa mga repair at marami pang iba.

Sinasabayan pa ito ng kanilang reklamo na sobrang nakapapagod ang mga patawag at pamiting ng mga nakatataas na utos umano ng mga nasa DepEd Central Office.

Naririyan din ang kakapusan sa laptop at iba pang gadget at kawalan ng wifi at internet na kung meron man, mahinang-mahina naman.

May mga nagkaka-COVID-19 din at walang gaanong suporta ang gobyerno sa kanilang pagkakaospital kundi karamihan gastos nila lahat, kasama na ang pagpapalibing o cremation kung talagang minamalas sila.

MGA KASAGUTAN SA MGA PROBLEMA

Hindi naman matatawaran ang galing ng mga local government unit sa pag-ayuda sa mga kinakapos bilang dagdag sa mga suporta ng pambansang nasyunal.

Halimbawa na lang ang Makati City na nag-aarkila ng mga jeepney para lang kabitan ng wifi at internet ang mga mag-aaral habang may klase.

Naririyan din ang mga LGU na nagpundar ng mga copying machines, papel at iba pa saka ipinamigay sa mga guro at eskwela.

Ang mga naipamigay na gadget, copying machines at iba na noong una na kulang na kulang, nadaragdagan ngayon at kahit papaano, nabawasan ang gastos ng mga guro mula sa sarili nilang bulsa.

Marami ring civic o humanitarian organization gaya ng Lions Clubs International ang namigay ng ilang kailangan ng mga guro, estudyante at iskul gaya ng wifi, tablet, cellphone at iba pa.

Ngayon, higit nang naiporma rin ang ibang mga anyo o paraan ng pag-aaral gaya ng paggamit ng mga radio, telebisyon at iba pa.

Nakatutulong na rin ang paglakas at paglawak ng koneksyon ng internet nang maging tatlo na ang malalaking internet provider at hindi tulad noong una na dadalawa lang at ‘yung kumita ang higit na inaatupag kaysa pagpapabuti ng kanilang serbisyo.

Kahit papaano, nakapagpundar na rin ang maraming pamilya ng kanilang mga kagamitan sa sarili nilang pagsisikap o sa tulong ng iba.

At ang mga guro, kasali na rin sila sa mga binabakunahan laban sa nakamamatay na COVID-19.

SINGIT NA MAHALAGA

Habang nag-aaral ang mga bata, magandang maisingit ang kahalagahan ng giyera laban sa COVID-19.

Maging bahagi sana ng aralin, halimbawa, ang halaga ng pagsusuot ng face mask, lalo’t kung tumama ang COVID-19 na may Delta variant ay pami-pamilya na ang mga biktima.

Alam nating magastos ang pagbili ng face mask pero pwede namang gumawa nito mula sa mga tela na luma o bago o bumili sa mga sari-sari store ng P10 bawat piraso at pwedeng labhan at isuot muli.

Ang kalinisan ay isa ring health protocol at magandang maitanim sa isipan at maging kaugalian ng mga bata.

Maganda ring pag-usapan ang pagpapabakuna ng lahat ng miyembro ng pamilya lalo’t malapit nang maganap ang malawakang pagbabakuna sa inaasahan nating pagdagsa ng mga bakuna mula sa buwang ito hanggang Kapaskuhan.

Sana walang maging bulilyaso sa suplay ng bakuna.

Ang tamang pagtatapon ng mga basurang gamit laban sa COVID-19 ay maisingit din sana bilang pamigil sa pagkalat nito.


  •  
  •  
  •