Efren ‘Bata’ Reyes nagpaliwanag

Efren ‘Bata’ Reyes nagpaliwanag

March 15, 2021 @ 9:09 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ni Billiards legend Efren “Bata” Reyes na hindi umano ito inaresto sa San Pedro, Laguna matapos ma-raid ng mga pulis at barangay officials ang isang bilyaran habang sumasabak ito sa exhibition game sa kabila na may pandemic.

Ayon kay Reyes, sinamahan lang niya ang mga pinatawag ng barangay officials upang magpaliwanag.

Sinabi ng Ph billiard icon na hindi umano sila inaresto bagkus pinagsabihan lang at agad ding pinauwi ng bahay.

Inamin pa ng multiple billiard champ na inimbitahan siya upang lumahok sa isang exhibition game at ang buong akala umano nito ay may permit ang game.

Idinagdag pa ng report na si Reyes ay isang senior citizen, ibig sabihin ay hindi ito pinayagang lumabas ng bahay, pwera na lang kung may importanteng gagawin.

Matatandaang kumalat sa social media ang video ni Reyes habang inaaresto ng mga pulis matapos i-raid ang billiard hall na nilalaruan nito dahil sa paglabag sa COVID-19 protocols.

Noong isang taon, pinayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang non-contact sports gaya ng badminton at tennis pero hindi isinama ang billiard sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.

Pinayagan din ng gobyerno ang praktis at conditioning ng basketball at football matapos aprubahan ang apela ng Philippine Basketball Association at Football Association. Rico Navarro