EJ Obiena pinuri ni Jinggoy

EJ Obiena pinuri ni Jinggoy

September 20, 2022 @ 12:33 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Jinggoy Estrada na nararapat na bigyan ng pagkilala  at papuri si pole vaulter Ernest John “EJ Obiena bilang pagpapahalaga sa paghakot ng maraming medalya sa international competitions at   matagumpay na kampanya ngayong taon na nagbigay ng karangalan sa Pilipinas,

“Bagamat tiyak akong malayo pa ang iyong mararating at marami ka pang maiuuwing medalya para sa bansa, para sa akin, naka-ukit na sa kasaysayan ng Philippine sports ang pangalang EJ Obiena bilang isa sa pinakamagaling na atleta ng bansa,” ani Estrada sa kanyang co-sponsorship speech kaugnay sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 222 na pinupuri si Obiena.

Base sa talaan ng world athletics organization sa nakalipas na anim na taon, sinabi ni Estrada na nakahakot si Obiena ng medalya na halos doble sa kanyang kasalukuyang edad na 26 mula sa iba’t ibang international competitions.

Nakasungkit si Obiena ng 17 na medalya mula sa 22 events na nilahukang kumpetisyon sa ibang bansa sa loob ng kalahating taon, 12 ay ginto, dalawang pilak at tatlong bronze. Si Obiena rin ang kauna-unahang Pilipino na nanalo ng bronze sa World Athletics Championships sa Oregon, USA noong Hulyo 24. Na-reset rin niya ang Asian at personal na pinakamahusay na mga record.

Ang kanyang determinasyon, tiyaga at paglilinang ng kanyang kahusayan sa kabila ng maraming mabibigat na hamong kinaharap ang nagbunsod sa tagumpay at paghahakot ng medalya ni Obiena.

Binanggit din ng mambabatas na kahit na sumikat at nagawa niyang talunin ang mga mabibigat na kalaban sa mga international competition, nanatili siyang mapagpakumbaba, bukas-palad ang suporta sa kanyang mga magulang, coach at mga taga-suporta mula sa gobyerno. Nakuha rin niyang magbigay-pugay sa mga nauna sa kanya at nagdala sa kanya sa sport na ito.

Ang fighting spirit ni Obiena, determinasyon na maghangad ng mas mataas na parangal at ang hindi matitinag na pagnanais na maging mas mahusay ay mga positibong katangian na maaaring tularan ng mga nakababatang henerasyon, sabi ng senador.ERNIE REYES