Ejercito bukas sa pagsasapribado ng bahagi ng NAIA

Ejercito bukas sa pagsasapribado ng bahagi ng NAIA

January 5, 2023 @ 5:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Sen. JV Ejercito nitong Huwebes na hindi niya suportado ang privatization ng kabuuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), subalit bukas para rito sa ilang parte ng paliparan upang pagbutihin ang mga serbisyo nito.

Sinabi ni Ejerecito na pwede niyang ikonsidera ang pagsasapribado ng ilang bahagi ng paliparan hangga’t nananatili sa pangangasiwa ng pamahalaan ang ilang bagay na makaaapekto sa national security, gaya ng air traffic management system ng bansa.

“Kung yung commercial areas lang just to improve, as you know NAIA has always been in the list of the worst airports in the world, so if it would improve the services, the comfort then probably I’ll be okay with that,” sabi niya.

Tinanong ang senador ukol sa isyu ng technical problem na naganap sa NAIA noong Bagong Taon na nagdulot ng kanselasyon ng daan-daang flights na nakaapekto sa halos 65,000 pasahero.

Nauna nang ihayag ng party-list groups Bayan Muna at ACT Teachers ang pagkabahala na gamiting basehan Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang insidente sa plano ng gobyerno na isapribado ang paliparan.

Sinabi ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na kapag nangyari ito, asahan ang “loss of another major government asset and increasing transport costs beyond the means of the poor.”

“One of the things that we have given up before, yung NGCP ( National Grid Corporation of the Philippines), which was subject to privatization but for some reason a Chinese entity is already a major stockholder of this corporation,” ayon naman kay Ejercito.

“The NAIA fiasco recently, in one blink of an eye, one flick of a switch, it can paralyze the air traffic for one day. Yung NGCP, it’s already in the hands of a Chinese entity, with one flick of a switch, mapa-paralyze ang whole country” dagdag niya.

Ilang senador ang nauna nang tumaliwas sa mga panawagan na isapribado ang operasyon ng NAIA, dahil sa national security concerns. RNT/SA