EKONOMIYA SA ILALIM NI PBBM

EKONOMIYA SA ILALIM NI PBBM

February 4, 2023 @ 1:55 AM 2 months ago


ANG natapos na taong 2022 raw ayon sa Philippine Statistics Authority ay nagpakita ng pag-asa na gaganda pa ang ekonomiya sa mga darating na mga taon kahit na binabatbat tayo nang pagbulusok ng mga presyo ng mga bilihin.

Yun tinatawag nating GDP o Gross Domestic Product, na binabase sa mga material na bilihin at mga serbisyo sa bansa, ay umungos sa 7.6 percent sabi ng PSA. Mas mainam sa 5.7 percent na naitala sa sinundang taon.

Nilagpasan nito ang expectation o target ng Marcos Administration na 5.8 percent na GDP para sa 2022.

Ito marahil ay bunga ng dagsaang paggasta ng mga Pinoy noong nakaraang Kapaskuhan kaya umangat ang ekonomiya sa taon 2022. Eh kasi naman, dalawang taon tayong pinadapa ng COVID-19 pandemic, at sinabik tayo sa pagsi-celebrate ng Kapaskuhan.

Ito ang nakikita ni Pangulong Bong Bong Marcos na lalong magpapaganda ng ating ekonomiya.

Bumabalik na halos lahat sa normal at ang mga Filipino ay masigla nang muli.

‘Yun nga lang sumasabay din ang kawalan ng supply sa mga pangunahing bilihin, ang pataas nang pagtaas na presyo ng langis at gasolina at paghina ng piso laban sa dolyar.

Pero di pa rin nito napigilan ang ating panggigigil sa pagbili ng mga bagay na makapagpapasaya sa ating mga mahal sa buhay, lalo na sa panahon ng Kapaskuhan. Ganyan naman tayong mga Pinoy, di baleng mahirapan basta’t makapag-bigay kasiyahan lamang sa ating mga mahal sa buhay.

Gumaganda nga ba ang ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Marcos?

Sa ganang akin, talaga namang gumaganda. Kaya nga lang, ito ay magiging hamon sa anomang balakin pa ng pamahalaan para ika nga ay mapanatili nito ang ‘momentum’ na ating naranasan noong 2022.

Hindi naman pababayaan ni PBBM na bumagsak ang ating ekonomiya nang basta-basta na lamang. Kaya nga nagsusumikap ito, na magawa ang lahat para maibenta ang potensiyal ng ekonomiya sa mga dayuhan at karatig nating mga bansa.

Sana nga, magpatuloy ang momentum na ito.

                                                                             oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!